NI: Shane Elaiza Asidao
Sa pabago-bagong panahon, sumasabay din ang takbo ng ekonomiya ng bansa. Nagbabago ang presyo ng bilihin sa merkado at hindi sigurado ang magiging tadhana ng iyong bukas sa pinapasukang trabaho.
Kaya karamihan sa atin ang naiisipang magtayo ng sariling negosyo.
Ayon sa survey na naitala ng University of Phoenix, mayroong 63 bahagdan ng mga nasa edad 30 pababa ang nagpapatakbo o gustong magtayo ng sarili nilang negosyo.
Malaki ang naitutulong sa atin ng pagbuo nito. Subalit paano mo mapapanatiling matatag ang iyong naitayong negosyo?
Mula sa isang ‘wholesaler’ ng sari-sari store
Ayon kay Fely Pastoral, may-ari ng isang “wholesaler” na sari-sari store, nagsimula lamang sila sa pagtitinda ng bigas hanggang sa umabot na sa pagiging wholesaler. Naging kuhanan na sila ng mga tinitinda ng ibang mga sari-sari store at nakapag tayo na rin sila ng iba pang tindahan.
Aniya, hindi niya akalain na aabot sila sa pagiging wholesaler. “Actually, bigasan lang talaga ang planong business. Since maghapon din naman na nakabantay, naisip na rin na magdagdag ng ibang paninda,” kwento ni Fely.
Ngunit, dahil marami ang kalaban sa negosyo, hindi rin maiiwasan ang pagbaba ng kita. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang para bumagsak ang kanilang tinayong negosyo. Ayon kay Fely, umaabot sa mahigit 70,000 libong piso ang kinikita niya sa isang araw.
“Lakas ng loob lang. Maging risk-taker ka dapat at maging ready sa resulta at umiwas sa utang.”
Walong taon na ang kanilang negosyo na patuloy pa rin ang paglago sa kabila ng ilang problema nadadaanan sa araw-araw na operasyon.
‘Passion’ na naging Propesyon
Hindi lahat pinapalad sa trabaho o negosyo o ano man ang iyong talento sapagkat karamihan pa sa atin ang nagtiya-tiyaga sa kung alin mang makakapagbigay ng pagkain sa hapag kainan.
Gayunpaman, may mga sumubok at tumaya upang makamit ang pangarap na negosyo. Gaya na lamang ni James Bryan Ona, isang propesor sa unibersidad at kilala bilang propesyonal na photographer. Tinaya niya ang kanyang buhay makamit lamang ito.
Aniya, hindi madaling pasukin ang industriya ng photography dahil hindi araw-araw may magpapakuha ng litrato. Ngunit, dahil sa sipag at tiyaga, nakabuo siya ng magandang pangalan sa indrustiyang ito.
Kwento ni James, “In my experience, pinaka-importante yung meron ka dapat lakas ng loob. Hindi kasi araw-araw may shoot eh. Pero positibo ako palagi kaya minsan once a week lang pero kadalasan 5 to 10 days straight meron akong shoot depende sa client o project.”
“Magset ka ng goals. Dapat may direksyon na pupuntahan ang negosyo mo,” wika niya, “Hindi ka pwedeng matapos sa iisang ideya lamang. Mahalaga na habang lumalago ang negosyo mo ay sabay mong pinaplano yung mga susunod pang pagpapaunlad dito at pagbibigay sa mga existing clients ng higit pa sa kaya mong ma-ideliver.”
Marami sa atin ang nagdadalawang isip pasukin ang gusto natin maging propesyon dahil iniisip natin na wala itong kikitain o pupuntahan. Gayunpaman, kailangan natin sumubok upang malaman natin ang magiging resulta nito.
Ayon kay James, kailangan alamin ang kahinaan at kakulangan ng “services” na binibigay ng negosyo sa ating mga kliyente. Panatilihin ang magandang relasyon at huwag hahayaan na mawalan ng komunikasyon sa kanila. Bukod sa mga teknikal na detalye, mahalaga rin na pangalagaan ang iyong sarili lalo na ang pisikal na aspeto. Dapat manatiling malusog. Mag-ehersisyo at kumain ng tama para habang lumalago at lumalaki ang negosyo, hindi magiging mahirap sabayan ang paglago nito.
Payo naman ni James sa gustong pumasok sa industriya ng photography, “Have a positive mental attitude. Dapat palagi kang nasa positive side kahit anong mangyari sa negosyo mo.”
Negosyo ng isang Pamilya
Mula sa isang bigasan owner na naging sari-sari store “wholesaler” at sa isang talento na naging propesyon, mayroon naman na negosyong pinapatakbo ng isang pamilya.
Mahirap pamahalaan ang negosyo lalo na mayroon kang iniintinding personal na bagay. Gaya na lang ng pagkakaroon ng pamilya. Ngunit, hindi ito naging hadlang sa pamilya Lawas. Naka-isip sila na magtayo ng negosyo na sila rin mismo ang magpapatakbo.
Mayroon silang “vacation house” sa Tagaytay na may pangalang “Enchante Farm”.
Ayon kay Mark Lawas, isa sa may-ari ng negosyo at mismong taga-advertise nito, nagsimula lamang sa bakanteng lote ang nasabing bahay bakasyunan. Dahil maraming mamahaling “hotel” sa Tagaytay, na-isip nila na magtayo ng matutuluyan ng mga turista o mga nag-babakasyon sa murang halaga na puwede umokupa ng malalaking grupo.
Marami ang puwedeng gawin sa nasabing bahay bakasyunan gaya ng pangangawil o fishing, swimming, at ilang sporty activities dahil sa may maluwag at maaliwalas itong ‘leisure area’.
“Nakatulong sa amin ang networking style kumbaga, once nasiyahan na ang client, ishe-share niya iyon sa friends or family and ganun na rin ang mangyayari na once na napuntahan nila, customers mo na ang mismong mag-advertise sayo,” kwento ni Mark.
“Basta maganda ang service o accommodation ang ibibigay mo.”
Mahirap panatilihin ang ganitong klase ng negosyo dahil na rin sa mga nagsulputan na “vacation house” o mga “hotel”. Ngunit, ayon kay Mark, kailangan mo i-analyze mabuti ang factors kung paano makakakuha ng customers at kung paano mauungusan ang iyong mga kalaban sa negosyo.
Dagdag pa aniya, “Innovate—Provide mo ‘yung wala sa ibang vacation house para puntahan ka. At dapat reasonable price rin ‘yung promos mo especially sa hindi peak season. And identify mo ‘yung trending na hinahanap ng community ngayon.”
Maraming daan ang puwede mong subukin upang mapalago at mapanatili ang iyong negosyo. Gaya nga nila Fely, James at Mark na may iba’t ibang uri ng pinapatakbong negosyo, sipag, tiyaga, pakikisama at pagiging responsable sa mga customers o kliyente ang dapat na isaalang-alang.
Gayunpaman, samahan mo lagi ito ng tiwala sa sarili at higit sa lahat pananalig sa Diyos dahil ito ang pinaka mabisang sangkap sa pagpasok at pagpapanatili ng kahit anong klase ng negosyo.