PINAS

Mindanao: Ang Ugat ng Terorismo (Ikalawang bahagi ng seryeng Terorismo sa Mindanao)

KUNG bibigyan lang ng pagkakataon ang maraming kabataang Muslim na magkaroon ng magandang edukasyon, maaaring hindi nag-ugat ang terorismo sa Mindanao.

Bagama’t hindi tahasang binigkas, ito ang sentimyento sa likod ng mga salita ni Arman Ali Ghodsina na sinabi niya sa kanyang talumpati sa harapan ng mga nagtapos ng kolehiyo sa UP Diliman sa Quezon City, kamakailan.

Isang summa cum laude sa kursong Molecular Biology and Biotechnology, sinabi ni Ghodsina, “(I am) living proof that members of minorities like us Maranao can also do well and contribute effectively to societal growth if given the same opportunities and rights like many other Filipinos.”

“Regardless of religion, socioeconomic status or ethnic ties, anyone can excel if equal opportunities are available to all,” aniya pa.

Kung titingnan ang chart na inilathala ni Asec. Noor Saada tungkol sa kalagayan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa basic education kung ikukumpara sa 16 na iba pang rehiyon sa bansa, nasa pinakahulihan ito sa kabuuang bilang ng mga kabataang nag-enroll sa elementarya at high school sa ARMM para sa taong 2013-2014.

Samantalang 8 sa 17 rehiyon sa bansa ang lumampas sa national performance, gayundin para sa halos lahat ng mga rehiyon sa Luzon at Visayas, tanging ang ARMM ang may katagang “need a lot of catching up.”

Gayundin sa data ng pagtatapos para sa elementarya at high school para sa parehong taon. Ang ARMM pa rin ang nasa pinakamababang antas sa lahat.

Ayon pa kay Saada, “Sa bawat 10 estudyante na papasok sa elementarya, 4 lamang ang magtatapos ng Grade 6.  Sa apat naman na ito na papasok ng high school, 3 lamang ang makapagtatapos.”

Hindi na kailangan ng chart upang makita pa ang tiyak na nakapanlulumong bilang ng kabataang Muslim sa ARMM na  makapagpapatuloy sa kolehiyo. Sentido kumon na lang ang kailangang gamitin para maintindihan ito.

Kahirapan ang pangunahing dahilan kung bakit mababa ang antas ng edukasyon sa rehiyon.

Nakatalang tatlo sa limang pinakamahihirap na probinsiya sa Pilipinas ay nasa ARMM:  Sulu, Lanao del Sur at Maguindanao.

Kasama rin sa mga dahilan ang krisis dahil sa digmaan.

Ayon sa datos ng Department of Education (DepEd), nitong pangyayari pa lang sa Marawi, tinatayang 22,000 estudyante ang naapektuhan. Sa bilang na ito, 3,600 lang ang naitalang lumipat ng ibang paaralan at nag-enroll.

 

Anyo ng bulnerabilidad sa Islamismo

May kinalaman ang edukasyon sa radikalismo.

Sa katunayan, ayon pa sa mga pag-aaral, may tipo raw ng tao na madaling maakay sa “fundamentalist” o radikal na idolohiya. Isang “personality type” o “psychological profile” kumbaga, na bunsod din ng kapaligirang kanilang kinabibilangan.

Ayon kay Samira Gutoc, isang dating miyembro ng Bangsamoro Transition Committee (BTC) ng Pamahalaang Duterte at isang Maranao, kabilang sa mga grupo na madaling maakit sa idolohiya ng Islamismo ay ang mga “displaced youth” o mga kabataang walang patutunguhan, na marami sa kanila ay mga lalaking walang trabaho.

Idagdag pa ang pakiramdam ng inaapi, mga personal na karanasan ng inhustisya sa sarili, sa pamilya o sa angkan, mga panlalait sa paniniwala at kultura, kahirapan, kawalan ng pag-asa —  at kumpleto na ang sangkap para sa isang grupo ng mga indibidwal na maselan sa impluwensiya ng radikal na pagtuturo.

Ayon pa sa isang French philosopher na si Oliver Roy, kinakatawan umano ng Islamismo ang pagtutol at pagkadismaya ng isang buong henerasyon ng kabataang hindi nabigyan ng sapat na papel sa isang matatag at umuunlad na lipunan.

“Mga elemento sa lipunan na walang puwang, walang pinag-aralan at walang pagkakataon na makapasok sa larangan ng trabaho, kung saan namamayani ang mga Kristiyano at mga hindi Muslim,” salaysay pa ni Gutoc.

At dahil dito, humihiwalay ang mga ito sa lipunan at naghahanap ng kaligtasan sa kanilang situwasyon.

Kung mangyari’y mauunawaan na ng mga ito ang kabuuan ng kanilang kalagayan, nagkakaroon ito ng reaksiyon.

At kung magkataong may isang “trigger” o mitsa, katulad ng isang pangyayaring may malaking epekto sa kinabibilangang lipunan, kikilos umano ang mga ito.

Ngunit para kay Congressman Teddy Baguilat ng Ifugao, simple lang ang dahilan kung bakit sumasali ang mga kabataan sa mga grupong radikal kagaya ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), Abu Sayyaf Group (ASG) at iba pang mga katulad.

“These groups offer regular food, a sense of belonging and identity,” ayon pa sa mambabatas.

At ang pangakong magkakaroon ng pagtutuwid ang mga karaingan.

Naaalaala pa ng isang kawal ng Abu Sayyaf Group noong 18-taong gulang pa lamang siya at unang sumapi sa grupo 10 taon na ang nakararaan.

“Nabighani ako sa mga paniniwala at pagtuturo ni Ustadz Janjalani,” wika ni Basier Hamja, ayon naman sa salaysay ni Gutoc. “Sinabi niya at ng iba ring mga lider na ipinaglalaban nila ang katapusan ng pang-aapi sa mga Muslim.”

Si Janjalani ang tagapagtatag ng Abu Sayyaf Group.

Para naman sa grupong nabanggit, ayon sa ulat ni Gutoc, ang mitsang nagpasiklab sa pagbuo ng kanilang samahan ay ang pagdating ng isang barko ng mga Kristiyanong mga misyonaryo sa Zamboanga City noong taong 1991.

At sa pagtitipong nangyari sa Western Mindanao State University upang igalang ang kanilang pagdating, sa harapan ng lahat ng mga mag-aaral at mga guro, Kristiyano at mga Muslim, tinawag umano ng mga misyonaryong ito na isang bulaang diyos si Allah, taong sinungaling si Muhammad at likhang tao lamang na aklat ang Qu’ran.

Dahil umano sa insultong ginawa laban sagradong mga pagtuturo ng Islam ang naging udyok, kaya umusbong ang grupong Abu Sayyaf.

 

HENERASYONG NALIGAW

May mga naniniwalang wala nang pag-asa ang kasalukuyang mga henerasyon ng mga Muslim na maitutuwid pa.

Sinabi nga ng isang Imam ng pinakamalaking madrassah o paaralan ng Islam sa Mindanao, na nawalan na umano siya ng pag-asa para sa mga henerasyong ipinanganak mula dekada 70.

Matagal pa umano bago mapawi nang tuluyan ang ekstremismo mula sa mga Moro.

“It will take two more generations to weed out extremism from the Bangsamoro population,” wika pa niya.

Kaya’t marapat na kumilos na ang pamahalaan nang hindi na maligaw ng landas ang mas marami pang henerasyon dahil sa isang idolohiyang nakasisira sa mas nakararaming Muslim sa Mindanao.

(May karugtong)