NI: SHANE ELAIZA E. ASIDAO
HINDI lamang pang-Internet ang mga modernong cellphones ngayon,kundi maituturing na ring‘emergency kit’ na makatutulong sa atin sa oras ng peligro.
Sa pagyabong ng teknolohiya, hindi na mahirap ikalat ang mga balita at ilang pangkaligtasang mga babalang makatutulong sa atin sa oras ng panganib.
Ayon sa article ng “The Next Web,” may malaking papel ang communication technologies, kabilang na ang ‘social and mobile tools’sa pagresponde at pagliligtas sa mga tao.
Dahil sa napababalitang “The Big One” o ang posibleng pagtama sa bansa ng isa sa pinakamalakas na lindol na aabot sa 7.2 magnitude na makaaapekto sa milyun- milyong tao sa Metro Manila at ang kamakailan lang ay ang pagtama ng magnitude 6.5 na lindol sa Leyte, kung kaya iba’t ibang hakbang at paghahanda ang inilabas ng gobyerno ukol dito.
Kabilang na sa mga ito ang ‘mobile application’ ng Philippine Red Cross (PRC) na “PRC Hazard.”Maaari itong I-download sa Playstore at Apple Store.
Ang ‘PRC Hazard’
Binuo ng pamunuan ng International Federation of Red Cross, Red Crescent Societies, Red Cross Global Preparedness Centre ang app na ito na naglalaman ng ilang pamantayan ng paghahanda sa mga darating na sakuna at mga maagang babala.
Ang “PRC Hazard” ay nagbibigay sa atin nang agarang ‘access’ sa mga impormasyong ating kailangan para makapaghanda at madaliang makaresponde sa mga nangyaring insidente.
May ‘alert system feature’ito at kakayahang mabantayan ang panahon.
Pinahihintulutan din ng app na ito na maihanda ang ating mga tahanan at mga pamilya sa sakuna, makakuha ng tulong at maipahatid sa ating mga kamag-anak o mga kaibigan kung tayo ay malayo na sa panganib.
Dagdag pa, pinananatili ang ‘user’ na maging alerto kung paano isasagawa ang ‘emergency drills’ upang maiwasan ang panganib sa ating mga tahanan.
Mayroon din itong flashlight, strobe light at alarm na puwedeng pindutin sa oras na kailangan.
Gayundin, mayroon itong mga pagsusulit ukol sa sunog, bagyo, lindol, tsunami, pagbaha at posibilidad ng volcanic eruptionupang mas matandaan at mas maging handa ang sinuman sa posibilidad ng mga pangyayari.
Nasa mismong app din ang mga detalye ng PRC, ang mga hakbang sa donasyon at mga training na isinasagawa ng kanilang pamunuan.
Sa kabilang-banda, hindi lamang ang natural calamities ang kailangan nating paghandaan at isaalang-alang, gayundin dapat ang pagiging ligtas sa mga kalsada at delikadong lugar.
‘Red Panic Button’
Isa sa mga makatutulong sa atin sa oras ng panganib ay ang “Red Panic Button.”
Isa itong app na may layong mas gawing ligtas ang buhay ng mga tao. Ginagamit nito ang GPS (Global Positioning System) o ang 30 satellites na umiikot sa labas ng mundo na tumutulong para malaman ng mga nasa lupa kung ano ang kanilang eksaktong lokasyon.
Nabuo ito noong Agosto, taong 2010 ng Software Ltd., isang grupong propesyonal at magagaling pagdating sa teknolohiya.
Tinawag itong “Red Panic Button” dahil sa kapansin-pansing ‘red button’na maaaring pindutin ng isang ‘user’ upang agarang makapaghatid ng mensahe o makahingi ng tulongsa kung sinuman ang kanyang inilagay na contact sa settings nito.
Narito ang iba pang mga benepisyo ng nasabing app galing mismo sa pamunuan ng “Red Panic Button:”
Personal na seguridad
Dahil may mga lugar na hindi ligtas at hindi natinkabisado, kailangan natin ang “Red Panic Button” para agarang maihatid ang mensahe sa ating mga mahal sabuhay at mahanap tayo para masigurado ang ating kaligtasan.
Simple ngunit mabisang solusyon ang app na ito para sa mga tao na maaaring maging biktima ng pang-aabuso dahil maaaring makagawa ang kanilang mga mahal sa buhay, kaibigan o mga kakilala ng mga hakbang para masigurado ang kanilang kaligtasan.
Medical emergencies
Kapag mag-isa ka lamang at nakaramdam ng sakit o kawalan ng kakayahan para tumawag ng ambulansiya o kalapit na ospital, makatutulong ang app na ito para iligtas ang iyong buhay. Pipindutin mo lamang ang ‘red button’ para malaman ng iyong pamilya o kaibiganna kailangan mo nang agarang lunas at ang iyong eksaktong lugar.
Kung sakali man na hindi mo kayanin ang magsalita dahil sa iyong kondisyon, mayroon itong ‘widget’ na puwede mong gamitin para kumuha ng retrato o mag-record ng maikling bidyo upang maipadala ang iyong kalagayan at lokasyon.
Kaligtasan ng mga bata
Ang mga bata minsan ay puwedeng mawalao hindi mahanap. Maaaring hindi makarating sa eskuwelahan o hindi makauwi sa tamang oras.
Makatutulong ang “Red Panic Button”para maiiwas sila sa mga panganib gaya ng aksidente, maling nasakyan, maling grupong sinamahan at iba pang mga situwasyon.
Epektibo ang naturang app para malaman agad ng mga magulang ng mga menorde edad kung nangangailangan ng tulong ang kanilang mga anak.
Para sa matatanda at may kapansanan
Nakatutulong din ito para sa matatanda at may kapansanangmay problema sa pagkilos at pagtungo sa kanilang destinasyon sa ligtas na paraan.
Dahil sa pagyabong ng teknolohiya sa panahon ngayon, mahalagang hindi lang mga ‘advanced’ na setting kagaya ng ‘text-to-speech’ang laman ng kanilang mga cellphone, kundi labis na mahalaga na mayroon din itong “Red Panic Button,” na magbibigay-daan na maging ligtas ang kanilang paggalaw at pagbiyahe.
Kasama rin sa binibigyang-pansin ng app na ito ang seguridad ng mga pampasaherong sasakyan at ang seguridad ng mga propesyonal o ang mga prominenteng tao.
Tama nga na maraming app ang makatutulong upang mas maging ligtas tayo sa panganib at mas magkaroon ng posibilidad na makaiwas sa nakaambangmga peligro pero tayo pa rin ang makapagdedesisyon sa ating sariling kaligtasan.