Ayon sa bagong pag-aaral na inilathala ng Annals of Internal Medicine, ang pag inom ng kape ay nakakapagpababa umano ng tsansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso at stroke.
Ang benepisyo sa kalusugan ng kape ay matagal ng pinapag-aralan at hindi na ito ang unang beses na lumabas sa mga pagsusuri na ang pag-inom ng kape sa umaga ay nagreresulta ng mas mahabang buhay.
Pero alam mo ba na ayon sa eksaminasyon, sa 185,000 Amerikano, lumalabas na hindi mahalaga kung decaffeinated o caffeinated ang ininom mo, ang kape ay sumusuporta sa mahabang buhay at pinipigilan ang pagpasok ng sakit na kanser, stroke, diabetes at sakit sa bato sa mga Africano-Amerikano, Hapon-Amerikano, mga latino at mga puting Amerikano.
Ayon kay Veronica Setiawan, isa sa mga nanguna sa pag-aaral na ito, na ang paglabas ng parehong resulta sa mga latino, amerikano at asyano ay nagpapatunay lamang ng matibay na bayolohikal na dahilan na ang kape ay nakakabuti sa katawan.
Ang mga umiinom ng dalawa hanggang tatlong baso ng kape bawat araw ay may 18 porsyento na mas mababang tsansa ng pagkamatay kumpara sa mga taong hindi umiinom ng kape.
Ayon naman sa pag-aaral sa Europa, nagsuri sila sa 520,000 tao sa sampung bansa at lumalabas nga na ang mag taong umiinom ng kape ilang beses kada araw ay may mas mababang tsansa na makakuha ng mga panginahing sakit gaya ng stroke at kanser.
Sa kabilang banda, inamin naman ng mga nagsuri na hindi nila ma-pinpoint kung bakit mayroong ganitong health benefits ang pag-inom ng kape.