NI: MAYNARD DELFIN
Hindi maitatangging malaki ang kontribusyon ng boksing sa bawat tahanan at pang-araw-araw na buhay ng mamamayang Pilipino.
Sa bawat laban ni Manny Pacquiao sa ibayong-dagat, nagsisilbi itong mukha ng pagmamahal at pagkakaisa ng bansa na matunghayan ang kanyang pakikibaka at pakikipagtagisan ng galing sa magagaling na boksingero sa buong mundo.
Maraming pagkakataon na sa tuwing lalaban si Pacquiao ay tila bumababa ang bilang ng krimen sa kalsada, nagtitigil-putukan ang mga rebelde’t sundalo at lumuluwag ang trapiko sa EDSA kahit panandalian lamang.
Nakatutok ang lahat sa kani-kanilang mga telebisyon. Ang iba’y nagtutungo sa mga mall para mapanood ang live telecast ng laban sa mga sinehan. Ang mga nagtitinda sa bangketa, mga tambay at ilan pang mga kasapi ng barangay ay pumupunta sa mga basketball court o open spaces na may libreng outdoor LED displays para makita ang laban ng Pambansang Kamao. Patuloy silang nananalig na ang kanilang idolo ay uuwing kampeon.
Katanyagan ng boksing sa bansa
Bukod sa basketbol, ang boksing ay itinuturing na isa sa mga popular na sport sa Pilipinas. Sa katunayan, sa Pilipinas ginanap ang makasaysayang “The Thrilla in Manila” noong Oktubre 1, 1975. Ito ang sinasabing ‘pinakabrutal’ na pagtatagpo sa heavyweight division ng mga alamat na manlalarong sina Muhammad Ali at Joe Frazier.
Ang “The Thrilla in Manila” ang ikatlo at huling boxing match nina Ali at Frazier. Naganap ang makapanindig-balahibong pagtatagpo ng dalawa sa Philippine Coliseum (Araneta Coliseum) sa Cubao, Quezon City. Si Ali ang itinanghal na nanalo sa pamamagitan ng technical knockout (TKO) matapos magparaya sa laban si Eddie Futch, ang trainer ni Frazier, bago ang ika-15 round.
Nagmula ang bansag na “The Thrilla in Manila” sa madalas na pagsambit noon ni Ali sa mga panayam na “killa at thrilla at chilla,” kapag nakaharap niya ang gorilla (Frazier) sa Maynila.
Pagkandili sa sport sa mahabang panahon
Ang labis na pagkahilig ng mga Pilipino sa boksing ay nagmula pa sa ating mga ninuno. Ang mga boksingerong sina Pancho Villa, Flash Elorde, Luisito Espinosa at Manny Pacquiao ang ilan lamang sa matitikas na manlalarong nagpamalas ng kanilang kahusayan mula 1920 hanggang sa kasalukuyan.
Sa galing at tapang ng mga boksingerong ito, marapat lamang silang itampok sa “Boxing Hall of Fame” ng Pilipinas. Ipinakita nila ang galing ng Pinoy sa pampalakasang larong ito.
Marahil, maraming boksingero ang nagpamalas ng samu’t saring suntok at hagupit sa kanilang mga kalabang banyaga subalit natatangi ang alindog ni Pacman na siyang nagtaas ng lebel ng pagkagusto ng mga Pilipino sa boksing.
Si Pacman ang natatanging atletang nagkamit ng kaliwa’t kanang pagkilala at parangal sa apat na sulok ng mundo at gumuhit sa kasaysayan ng Pilipinas sa boksing. Ito ang naging dahilan para idolohin siya ng maraming panatiko ng sport na ito at kapwa atleta, magpahanggang sa ngayon.
Pagsibol ng boksing sa kasaysayan
Mula sa mga iskultura at bas relief carvings makikita ang mga sinaunang pagtatala sa boksing ng mga nagbubunong-brasong kalalakihan (fist-fighting men) mula sa Sumeria, Assyria at unang sibilisasyon ng Ehipto.
Sa pagpasok ng 688 BC, naging bahagi ang boksing ng Olympic Games na nilahukan ng maraming Griyego.
Bagaman at namatay ang interes sa boksing sa pagbagsak ng Roman Empire, ito ay muling sumigla bilang ‘prizefighting’ (laban para sa pera) or ‘bare-knuckle boxing’ (suntukan na walang gamit na gloves o anumang pananggalang sa kamay) noong ika-18 siglo sa Inglatera. Ito ang unang pagkakataong ginamit ang salitang ‘boxing’ na pantawag sa laro.
Sa modernong paglalaro ng prizefighting, ginamitan na ito ng mga manlalaro ng spear (sibat) and club (garote) dahilan para maging kapana-panabik at madugong paligsahan na madalas panoorin ng mga working class ng Industrial Revolution.
Noong 1867, maraming pagbabago ang ipinatupad mula sa panuntunan ng Marquess of Queensberry na siyang naging pundasyon sa kasalukuyang bersiyon ng boksing.
Mula nang maging worldwide sensation ang boksing, walong mga professional weight division ang binuo para makasali ang iba’t ibang klasipikasyon ng manlalaro. Ang mga ito ay ang flyweight, bantamweight, featherweight, lightweight, welterweight, middleweight, light heavyweight at heavyweight.
Binansagan ng ESPN ang boksing bilang “World’s Toughest Sport” noong 2004.
Pagsilang ng mga dakilang boksingerong Pinoy
Kilala ang mga Pilipinong boksingero sa pagpapakawala nang malalakas na suntok.
Kung si Don Stradley, isang manunulat at nagbibigay-komento sa ESPN Sports ang tatanungin, sabi niya, naglalaro na ang mga Pilipino halintulad sa sport na boksing bago pa man ito ipinakilala sa bansa.
Marami na ang nakikibahagi sa ‘suntukan’ gamit ang mga kamay lamang na nagmula sa katutubong labanan na may kutsilyo at kilala sa tawag na ‘kali.’
Bagaman at ipinagbabawal ang prizefighting (labanan para sa pera) sa bansa noong 1920s, maraming kasapi ng American Navy ang nagturo ng boksing sa mga lokal na katutubo at inimbitahan sila sa mga pagtutuos.
Nang gawing ligal ang boksing sa bansa sa mga pagpupursigi ni Frank Churchill, kasama ang mga kapatid na sina Stewart at Eddie Tait, naging popular ang laro sa Olympic Boxing Club. Isa ito sa nagbigay-daan sa pagsikat ng karera ni Pancho Villa bilang boksingero.
Natatanging boxing legends
Si Francisco Guilledo o mas kilala bilang si “Pancho Villa” ang tinaguriang unang bayani ng boksing sa Asya. Nakamit niya ang World Flyweight Championship noong 1923 at naipagtanggol ito nang maraming beses. Sa kanyang paglisan sa mundo, nag-iwan siya ng maipagmamalaking record sa boksing. Kailanma’y hindi siya na- knockout sa lahat ng kanyang 108 laban.
Si Gabriel Elorde o ang “The Filipino Flash” ay ‘di nahuhuli sa ‘honor roll’ ng boksing. Nasungkit niya ang WBA at WBC Super Featherweight Championships at napanatili niyang hawak ang titulo sa loob ng apat at pitong taon sa dalawang dibisyon. Ayon sa WBC, si Elorde ang may pinakamahabang mayhawak ng titulo sa kanyang kategorya.
Ang ilan pang boksingerong nagbigay ng parangal bansa ay sina Ben Villaflor, Little Dado Zapanta, Boom-boom Bautista, Donnie Nietes, Roland Navarete, Brian Viloria, Drian Peñalosa, Nonito Donaire, Jr., at Manny Pacquiao.