NI: JANNETTE AFRICANO
Hindi sang-ayon ang ilang senador sa pagpapatupad ng Muslim ID system sa mga lokal na pamahalaan. Itinuturing ng mga ito na isang diskriminasyon.
Kung ang ilan sa mga kababayan natin ay hindi sang-ayon sa pagpapatupad ng Muslim ID system, ganun rin ang ilang senador.
Dahil para sa mga ito, isa itong uri ng diskriminsayon at paglabag sa karapatang pantao.
Panawagan ni Sen. Win Gatchalian na agad na ipatigil ang paggamit ng Muslim ID card system na kasalukuyan umanong ikinakasa sa probinsya ng Tarlac para-i-screen ang posibleng banta sa seguridad bunsod ng nagaganap na bakbakan sa Marawi City.
Naniwala ang senador na isa itong uri ng pagdiskrimina sa mga kababayan nating mga Muslim at paglabag constitutional rights ng mga Muslim para sa patas na proteksyon sa ilalaim ng batas.
Para naman kay Sen. Paolo Benigno Aquino IV, ang ‘pag-single out’ sa mga Muslim at paghihinala sa mga ito na posibleng kasapi ng mga terorista ay hindi makakatulong para sa mas ligtas na komunidad.
Matatandaang plano ni Police Regional Office 3 Director Superintendent Aaron Aquino na gawing mandatory ang IDs na dapat isuot ng mga Muslim at dapat na mayroong lagda ng local chief police at government unit bilang authorization.