Buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tatlong cabinet member na leftist o myembro ng makakaliwang grupo kahit inayawan na nyang makipagusap sa pinuno ng Communist Party of the Philippines.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, hangga’t nanatili sila sa kanilang posisyon at ginagampanan ng mabuti ang kanilang trabaho ay hindi mawawala ang tiwala ng pangulo sa kanila.
Sa kabila nito at ayaw namang sagutin ng tagapagsalita ng Palasyo ang tanong kung madadamay ang mga makakaliwang cabinet members ng administrasyon ngayong galit ang pangulo sa Communist Party of the Philippines.
Ngunit binigyang diin ng Malakanyang na walang aksyon na ginagawa ang ehekutibo laban sa kanila.
Ilan sa mga makakaliwang miyembro na nasa gabinete ni Pangulong Duterte ay sina Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo, Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano at National Anti-Poverty Commission Chair Liza Maza.