Ni: Maynard Delfin
Malaking karangalan para sa Pilipinas ang makapag-uwi ng apat na gintong medalya ang Philippine national dragon boat team sa kanilang matagumpay na pagsagwan sa katatapos na 2017 Taiwan International Dragon Boat Championships.
Para kay Coach Len Escollante, ang dating pangarap ng grupo na mahigitan ang sariling rekord sa mundo ay natupad na matapos ang puspusang pagpupursigi ng sabayang pagsagwan ng 29-man contingent ng dragon boat team.
Hindi lamang nagkamit ng apat na gintong medalya ang koponan ng bansa, taas-noo nilang napanalunan ang kategorya ng 200-meter sa men’s 20-seater na nagtala ng panibagong ‘world record’ o pinakamabilis na oras sa buong mundo.
Sa pangunguna ni Daniel Ortega at Roger Masbate sa timon, madali nilang binaybay ang ilog Fulu at natapos ang pambansang koponan sa loob lamang ng 40.16 segundo na bumura sa nakaraang world record na 41 segundo na nangyari noong 2014 sa ICF Dragon Boat World Championships na ginanap sa Poznan, Poland.
“Lagi ko silang (ang team) hinahamon na mas higitan pa nila ang nagdaang rekord sa bawat patimpalak na sasalihan namin. Nagbunga rin ng maganda ang lahat ng pagsasanay namin na dalawang beses isang araw.” Wika ni Escollante.
Kasama sina Patricia Ann Bustamante, ang tambulero o drummer ng pulutong, at Christian Burgos sa miyembro ng koponan na nagkamit ng gintong medalya sa para sa 20-seater 200m-race at nagtala ng bagong world record at nanaig din sa 10-seater 200m-race at 10 at 20-seater 500m-race.
Paghahanda sa Asian Games
“Simula lamang ito ng aming paghahanda para sa Asian Games sa susunod na taon,” ayon sa isang panayam kay Joanne Go na presidente ng Philippine Canoe Kayak at Dragon Boat Federation.
Binigyan ng standing ovation ang pulutong ng mananagwan ng Pilipinas mula sa malaking crowd na nakasaksi sa kanilang ipinamalas na bilis at pagkakaisa para makapagtala ng 40.48 segundo sa 200m big boat finale na nagpataob sa dalawang koponan ng Taiwan—ang Fitness Factory ng Taipei (43.57 segundo) at Ludong Township ng Taiwan (47.01 segundo).
“Binabantayan talaga namin ang aming oras. Nais naming mahigitan ang 39 segundong rekord at makamit ang 38 segundo na target bago ang Asian Games,” ayon kay Escollante na unang nagkamit ng tatlong gintong medalya sa nakaraang ICF world championships noong nakaraang taon sa Moscow.
Nagtala naman ang Pilipinas ng 53.84 segundo para matalo ang Taiwan na siyang host (54.30 segundo) at Hong Kong (54.80 segundo) sa 200m small boat category bago nasungkit ang ikatlong ginto sa 500m small boat a loob ng dalawang minuto at 22 segundo.
‘Complete sweep’ ng koponan ng Pilipinas
Sa pangkalahatan, ang Philippine national dragon team ay nag-uwi ng apat na gintong medalya na siyang maituturing na complete sweep sa event na sinalihan ng koponan. Nanalo ang mga dakilang mananagwan ng Pilipinas sa lahat ng kategorya ng boat race mula sa 10-seater 200m race, 20-seater race at pati na rin sa 10-seater 500 meter para sa mga lalaki.
Mga miyembro ng koponan
Malaki ang naiambag ng mga assistant coaches na sina Mark Jhon Frias at Ricky Sardena na nagpamalas ng katatagan sa coaching duties nila tulad ni Escollante. Kasama sa grupo ang team skipper na si Fernan Dungan, Hermie Macaranas, Alex Generalo, Ojay Fuentes, John Paul Selencio, Jordan De Guia, Raymart Nevado, Lee Robin Santos, Jonathan Ruz at Franc Feliciano.
Kasama rin sa squad na sinuportahan ng Philippine Sports Commission sina Oliver Manaig, Christian Urso, Lester Delos Santos, Jerome Solis, Kim Gabriel Borromeo, Robert Pantaleon, Jericho Noay, John James Pelagio, Christian Macayan, Arche Baylosis, Ryan Vidal and Roger Manlangit.
Ang Dragon boat racing ay itinuturing na team sport. May natatanging ambag ang bawat manlalaro na kasali sa isport na ito. Katulad ng ibang torneo, may ilang panuntunan na kailangang sundin upang makalahok, tulad na lamang sa paggamit ng mga paddles o sagwan.
Base sa regulasyon, ang sukat ng mga paddles ay hindi maaaring maging mas maikli kaysa sa 106 sentimetro o mas mahaba kaysa 130 sentimetro, ngunit ang anumang sukat sa pagitan nito ay pinapahintulutan sa laro.
Maaaring magmula sa iba’t ibang materyales ang yari ng mga paddles. Kadalasan ito ay yari sa kahoy, ngunit sa mga kumpetisyon ang madalas gamitin ay mga sagwan na gawa sa carbon fiber.