Arestado sa Cagayan de Oro ang pinsan at financier ng Maute brothers.
Kinilala ang naaresto na si Monalisa Romato alyas “Monay” na siyang pumalit kay Farhana Maute bilang financier ng grupo matapos maaresto ang huli nitong nakaraang buwan.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brigadier General Restituto Padilla, naaresto si Romato matapos salakayin ng mga awtoridad ang bahay ni Irene Idris, isa rin sa mga pinsan ng Maute.
Narekober sa bahay ni Idris ang M203 grenade, blasting cap, battery, C4 explosive, detonating cord at ammonium nitrate nasangkap sa paggawa ng bomba.
Maliban kay Romato, inaresto rin ang asawa nito na si Gazim Mantawa si Abdullahanak at isa sa mga anak nilang si alyas “Kulingling” para maimbestigahan.
Hindi naman naabutan sa bahay si Idris na isa rin sa target ng operasyon.