PINAS

PUV modernization: pinangangambahan ng mga drayber

NI: MICA JOY O. SIMON

PAPALITAN na ang mga lumang jeep na tumatakbo sa mga lansangan ng Metro Manila ng modernong sasakyan. Makasasakay na ang mga pasahero ng mas ligtas, maginhawa, komportable at environment-friendly na pampublikong sasakyan.

Sa pamamagitan ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program na inilunsad ng Department of Transportation (DoTr) sa Camp Aguinaldo kamakailan, inaasahang magkakaroon ng mga pagbabago sa paraan ng operasyon ng PUVs.

 

Replacement sa lumang PUVs

Sa Pilipinas, jeep ang maituturing na pinaka-popular na paraan ng transportasyon, lalo na sa Kalakhang Maynila. Bukod sa maraming jeep na puwedeng sakyan, mas mababa ang bayad dito.

Ngunit nangangamba ang jeepney drivers at operators dahil sa ilalim ng PUV modernization plan ay papalitan ang mga jeep na may edad labinlima pataas.

Ayon sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), 180,000 na lumang pampasaherong jeep ang kailangang alisin sa lansangan.

Magkakahalaga umano ng isang milyong piso ang isang replacement jeep, halagang ayon sa mga driver na napakahirap likumin.

Para naman sa mga franchisee, aabot sa halagang pitong milyong piso kung nais pa nilang makakuha ng franchise ng jeep. Nangangamba rin ang mga pasahero sa posibleng fare hike na idudulot nito.

Ngunit ayon naman sa DOTr, magkakaroon ng isang bilyong pisong paunang budget para sa 650,000 PUV operators at drivers na nais mag-loan. Sa nasabing budget, aabot sa P1.4 milyon hanggang P1.6 milyon ang para sa isang unit. Magagawa ito sa pamamagitan ng Land Bank’s Special Environment Friendly and Efficiently Driven program na magbibigay umano ng low-equity, low interest rates at magkakaroon ng longer payment terms ang operators.

Gayunpaman, hindi pa rin pabor ang karamihan sa drivers at operators sa kadahilanang kailangan pa nilang mangutang ng malaking halaga para lamang magkaroon ng oportunidad na makabiyaheng muli sa lansangan.

Bilang pagtuligsa sa programa, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga nasa jeepney sector. Kabilang sa mga dumalo ay ang PISTON Party-list, No to Jeepney Phase-out Coalition at Alliance of Concerned Transport Organizations.

Ayon sa mga nabanggit, napakaraming drivers at operators ang maaaring mawalan ng trabaho bunsod ng napakalaking halagang kakailanganin upang maging moderno ang sasakyan, lalo pa at P8 lang ang minimum fare.

Kaugnay nito, pinag-aaralan umano ng Department of Finance (DOF) ang mga paraan kung paano makapagbabayad ang mga driver upang maipagpatuloy pa rin nila ang kanilang hanapbuhay.

Ayon sa pahayag ni DOF Undersecretary Karl Kendrick Chua sa Rappler, kinukonsidera nila ngayon ang “Hulugan Loaning System,” kung saan ay magbabayad araw-araw ang mga driver ng kanilang utang.

Sa ganitong paraan, maaaring maibiyahe ng mga drayber ang kanilang modernong jeep kahit na hindi pa naibibigay ang kabuuang halaga. Upang maisakatuparan ito, iniisip nilang magkaroon ng “automated payment system.”

Magiging prayoridad umano ang operators na kabilang sa mga kooperatibang kinikilala ng gobyerno.

Sa kabila naman ng mga protesta, hinihikayat pa rin ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang kanilang suporta sa nasabing modernization program. “This administration favors the jeepney livelihood, but we see that this livelihood should not kill the people and the environment. It should respond to what the public needs — that is our objective,” wika niya sa mga mamamahayag.

Ilan sa features ng modernong PUVs ay ang pagkakaroon ng Euro 4 engines o electrically powered engines at solar panels sa bubong. Sa pamamagitan nito, mababawasan anila ang polusyon at sasang-ayon rin ito sa international and local emission standards.

Sa kasalukuyan, gumagamit ang mga jeep ng Euro 2 engine.

Magkakaroon din ang modernong jeep ng closed-circuit television (CCTV) cameras, GPS navigation system, Automatic Fare Collection System (AFCS), speed limiters, dashboard cameras at Wi-Fi. Magkakaroon naman ang mga city at mini bus ng low entry points at PWD access.

 

Pagbabago sa franchising system at route plans

Isa sa primaryang aspekto ng PUV Modernization Program ay ang issuance ng Omnibus Franchising Guidelines (OFG).

Sa patakarang ito, kailangang makabuo ang Local Government Units (LGU) ng isang local transport plan kabilang na ang traffic management measures at route plan base na rin sa existing networks at passenger demand.

Mabibilang ang mga rutang ito sa Local Public Transport Route Plan (LPTRP) ng LGUs na magsisilbi ring batayan ng LTFRB sa pag-iisyu ng franchise.

 

Pagkakaroon ng training ng drivers

Isa rin sa mahahalagang aspekto ng PUV Modernization Program ang pagkakaroon ng training para sa mga drayber ng PUV.

Ayon sa ulat ng isang pahayagan, magtatayo umano ang LTFRB ng mga driving academy para sa PUV drivers sa buong bansa. Nais ng ahensya na magkaroon ng tamang kaalaman at disiplina ang mga driver ukol sa maayos at ligtas na pagmamaneho. Sa ganitong paraan, maaaring mabawasan ang bilang ng aksidente sa lansangan na dulot ng kapabayaan.

“All PUV drivers will be covered by the academy. We need them to be retrained on road safety such as knowing different traffic signs and markings. Many accidents on roads could have been prevented if there are safety nets in place,” ayon kay LTFRB board member at Spokesperson Aileen Lizada.

Isasakatuparan ang naturang plano sa tulong ng iba’t ibang educational institutions tulad na lamang ng Ateneo School of Government at De La Salle University (DLSU) Psychology Department.

“Our main concern is to provide a safe ride for the passengers who are the main stakeholders of the LTFRB and DOTr. While we go with the PUV modernization, the skills of the drivers should be upgraded,” aniya.

Magsisimula ang implementasyon ng PUV Modernization Program sa oras na maipasa ang OFG. Kapag nangyari ito, magpapatuloy na lamang ang mga kasalukuyang franchises sa kanilang operasyon ng hanggang dalawa o tatlong taon.

Sa panimula ng programa, magkakaroon ng three-year transition period, kung saang ipagbabawal ang lumang PUVs ngunit maaari itong tumagal pa, ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra. Pag-aaralan din umano ng ahensya kung paano maayos na maidi-dispose ang mga lumang jeep na hindi masasayang ang mga parte ng mga ito.

Samantala, nagpasalamat naman si Sec. Tugade sa mga representante ng mga grupong nagpakita ng kanilang suporta nang ilunsad ang programa.