Mapayapa at walang naitalang nasaktan sa mga nag-rally kahapon sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasan Pambansa sa Quezon City.
Magkasabay na nagsagawa ng rally ang mga anti at pro Duterte supporters sa may Batasan Complex kahapon.
Ayon sa mga anti-Duterte bigo umano ang Pangulo na tuparin ang pangakong socio economic reforms sa hanay ng mga mangagawa sa bansa.
Pero para sa mga Duterte Youth, naniniwala silang nilalapit ng pangulo ang mga maliliit na mamamayan sa Pamahalaan at naipakita nito sa taumbayan na pinuprotektahan ang kanilang kapakanan sa pamamagitan ng pagsugpo sa iba’t ibang uri ng krimen, korapsyon at higit sa lahat sa droga.
Natakot naman ang mga anti-Duterte na baka hindi na sila makapag-marsta sa susunod na mga SONA kung patuloy na mapalawig ang Martial Law (ML) kaya dapat umanong pigilan ito habang maaga pa.
Nilinaw ng mga anti-Duterte na ang kanilang protesta ay laban sa extra judicial killings ng giyera laban sa droga at ML sa Mindanao.
Ilan sa mga grupo ng anti-Duterte ang mga kasapi ng Sanlakas, Partido ng Lakas ng Masa (PLM) at Bukluran ng Magngagawang Pilipino (BMP) na nag-martsa patungo sa tanggapan ng Bureau of Internal Revenue, upang tuligsain ang panukalang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Program (TRAIN), ng National Housing Authority (NHA) para ipaabot sa mga ito na kailangan ng mga Pilipino ang disente, abot-kaya at ligtas na pabahay.
Nanawagan din sila sa Department of Natural Resources na itigil ang lahat ng proyektong may kinalaman sa coal.
Samantala, nag-rally naman ang Bayan Muna bilang protesta para maipaabot nila sa Pangulo na marami pa itong hindi nagawa sa kanyang mga pangako.
“Marami hong problemang kinakaharap ang ating bansa ngayon kaya protesta ang ating ihaharap sa Pangulo. Nais naming matalakay ang totoong kalagayan ng ating bansa,” paliwanag ni Renato Reyes, secretary general ng Bayan Muna.
Matatandaang noong nakaraang taon ay nag-rally din ang Bayan Muna ngunit bilang suporta sa Pangulo ngunit ngayon ay bilang pag-protesta na sa mga kakulangan nito.
Mahalaga rin umanong maipagpatuloy ang peace talks sa mga rebelde, maayos na reporma sa lupa, pabahay, libreng edukasyon at iba pa.
Sinabi rin ng Bayan-Pangasinan na tinututulan nila ang mga kabi-kabilang human rights violations sa war against drugs dahil mahihirap lamang ang nabibiktima nito at ang ML sa Mindanao.
Sumuporta rin sa nabbing protesta ang Anakbayan, Migrante International, Gabriela, Anakpawis, Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), Anakbayan, Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pa.
Umabot naman sa 1,000 pares na mga sinelas, sandal at sapatos ang inihilera ng grupong anti-government protesters sa Commonwealth Avenue kahapon bilang simbolo sa mga inosenteng bikatima sa giyera kontra droga ng Pamahalaan.
Kumpirmadong na nasa 6,300 na mga pulis, na walang baril at armado lamang ng baston ang nagbantay sa SONA kahapon.
Tantiya ng mga militante umabot ng 30,000 ang bilang nila ngunit ayon sa Quezon City Police District (QCPD) nasa 11,000 lang ang mga raliyestang dumagsa malapit sa Batasan Complex.