PINAS

Sec. Aguirre at Charlie Atong Ang, kumpirmadong nagkaharap na

Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre III ang naging pagtatagpo nila ng gambling operator na si Charlie Atong Ang.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI newsteam kay Secretary Aguirre, sinabi nito na Huwebes ng gabi ng July 20 nang bumisita si Atong Ang sa kaniyang opisina sa Padre Faura sa Maynila at napag-usapan ang kanilang naging iringan sa unang bahagi ng taon.

Sinabi ni Aguirre na dahil sa kanilang pagtatagpo at pag-uusap ay gumaan na ang kanyang pakiramdam sa kanya.

Matatandaang inakusahan ni Ang sina secretary Aguirre at national security adviser Hermogenes Esperon Jr. ng assasination plot upang maisulong ang small town lottery operation ng kapatid ng kalihim sa Batangas.

Pero mariin itong itinanggi ni Aguirre kasabay ng hamon na handa niyang harapin si Ang sa kahit anong investigation body.

Napag-usapan din sa meeting ang planong pagbabalik sa bansa ni Jack Lam, ang kontrobersyal na gambling tycoon na nagsangkot sa dalawang commissioners ng Bureau of Immigration sa bribery issue.