NI: EYESHA N. ENDAR
SA loob ng labindalawang taon, nangunguna ang Sonshine Philippines Movement (SPM) sa pagsasagawa ng mga aktibidades na may kinalaman sa pag-aalaga sa kalikasan tulad ng pagtatanim ng mga puno sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas.
Pangunahing proyekto ng SPM ang Agro-Reforestation Development, Eco-Tourism Development, Aquifers Marine and Costal Development, Solid Waste Management Development at Disaster Management and Risk Reduction.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-12 taong anibersaryo ng SPM ngayong taon, nagsagawa ng tree planting ang SPM volunteers sa Pililia, Rizal katuwang ang local government unit (LGU) ng nasabing munisipalidad sa pangunguna ni Mayor Dan Masinsin.
Malaki ang pagpapasalamat ng alkalde kay Pastor Apollo C. Quiboloy at sa buong pamunuan ng SPM dahil isa ang kanilang munisipalidad sa napiling pagtaniman ng mga puno.
Aniya, ito umano ang simula ng magandang samahan ng SPM at ng kanilang munisipalidad para sa mas marami pang programang gagawin na makatutulong sa kalikasan.
Paliwanag naman ni Jun Andrade, SPM national program officer, “Napakahalaga ng bawat punong ating itinatanim dahil isa itong natural purifier, nililinisan nito ang ating Inang Kalikasan dahil ang pagkain ng mga ito ay carbon dioxide na nanggagaling sa usok ng mga sasakyan at pabrika.”
“Sa ating pagtatanim ay maraming buhay ang nabibiyayaan,” aniya pa.
Ayon naman kay Col. Francisco D. Millare, isang military man, kung maraming puno umano ay nababawasan ang impact ng malalakas na bagyo kaya dapat bigyan ng oras at panahon ang pagtatanim.
Hinimok ng SPM volunteers ang bawat Pilipino na maging ‘warrior’ para sa kalikasan dahil bawat punong itinatanim ay mahalaga.