NI: CHERRY MAE ROSALES
SA tuwing gumigising tayo sa umaga nang masaya, buong araw ay ine-expect natin na magiging maayos at stress-free ang araw natin. Kung tayo naman ay gumising na wala sa mood, maaaring maapektuhan ang buong araw natin, kaya naman napakaimportante ng healthy morning routine sa ating buhay.
Ayon sa isang pag-aaral, ang mga taong napipilitan lang gumising nang maaga ay ang may mataas na tiyansa ng pagiging wala sa mood. Sila ‘yung mga taong ilang beses kung pindutin ang ‘snooze’ button ng kanilang mga alarm. Dahil dito, mas nagiging iritable sila at masama ang timpla ng umaga. Para maiwasan ito at magkaroon ng maaliwalas na mood sa buong araw, narito ang ilang tips:
- Kumain ng almusal
Ito ang pinakamalusog na paraan para umpisahan ang araw mo. Ang masustansiyang almusal ay mahalaga para magkaroon ka ng sapat na lakas na gawin ang ‘healthy activities’ mo para sa araw na iyon.
- Mag-meditate
Kung masama ang gising mo, kailangan mong alisin ‘yan. Ang pagme-meditate ang pinakamagandang solusyon para riyan. I-relax mo ang isip mo at i-appreciate ang mga bagay-bagay sa buhay mo tulad ng katawan mo, pamilya mo, trabaho mo. Magpasalamat ka dahil may magagandang bagay pa ring nangyayari sa iyo sa kabila ng lahat ng stress. Ayon sa research ni Turakitwanakan et al., ang pagme-meditate ay nakababawas ng stress.
- Mag-exercise
Maraming gustong tanggalin ang pag-eehersisyo sa listahan ng kanilang gawain dahil nga nakapapagod pero hindi nila matatakasan ang aktibidad na ito. Maraming benepisyo sa katawan ang pagkilus-kilos ng katawan o exercise. Kung ikaw ay mag-e-exercise pagkatapos kumain, mas mararamdaman mong busog ka kaya mas mararamdaman mong punumpuno ka ng enerhiya sa katawan. Dahil dito, mas magiging produktibo at masigla ang iyong araw.
Ang masiglang pagsisimula ng araw ay hindi lang nagkakaroon ng mabuting dulot sa iyo, kundi maging sa mga taong nakapaligid sa iyo. Kung ikaw ay nagliliwanag sa sigla tuwing umaga, maaaring madamay ang mga taong makasasalamuha mo dahil ang mood ng bawat tao ay nakahahawa.
Ipakalat lang ang good vibes, alisin ang bad vibes!