NI: ATTY. JUVIC C. DEGALA
NAGULANTANG tayo sa balita tungkol sa karumal-dumal na pagpatay sa asawa, biyenan at tatlong (3) menor de edad na anak ng security guard na si Dexter Carlos, Sr. ang asawa at biyenan ay sinasabing nagahasa rin sapagkat walang mga saplot pang-ibaba nang matagpuan sa kanilang bahay sa Sto. Cristo, San Jose del Monte City. Lahat ng mga biktima ay nagtamo ng napakaraming saksak na nagging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.
Hindi nagtagal ay naimbitahan ang ilang kalalakihang naninirahan malapit sa tirahan ng mga biktima at itinuring na ‘persons of interest’ (POI). Sa ibayong pag-iimbestiga ng mga pulis ay umamin sa pagkakasalang pagpatay at panggagahasa si Carmelino “Miling” Ibañez. Sinabi niya na lango siya sa alak at shabu nang isagawa ang krimen, na ‘trip-trip’ lang ang dahilan.
Itinuro rin niya ang kanyang mga kasabwat subalit hindi na puwedeng basta damputin dahil lagpas na satakdang panahon ng warrantless arrest. Kinakailangang magsampa ng kaso sa piskalya at hintayin ang ilalabas na warrant of arrest ng hukuman para ang mga ito ay madampot.
Dumalaw sa burol ng mga biktima ang Pangulong Rodrigo Duterte na nagbigay ng tulong-pinansiyal at pabahay sa naulilang si Dexter Carlos, Sr. Ipinangako ng pangulo na bibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng lima. Sinabi ng pangulo na, “Patayin‘yung mga bata, papatayin ko kayo.” Kamakailan nga ay nabalita na ang isang POI na si Ronaldo “Inggo” Pacinos ay natagpuang patay na may limang saksak, putol ang apat na daliri at binigti gamit ang fan belt ng kotse. May karatula ring nakasabit sa leeg na “Adik at rapist, huwag tularan.”
Hindi nagtagal ay ang POI naman na si Rosevelt “Ponga” Sorima ang pinagbabaril sa harapan ng kanyang ina at mga kaanak sa loob ng kanilang bahay sa Northridge Royal Subdivision sa San Jose del Monte City.
Ayon sa mga saksi ay biglang pumasok sa kanilang bahay ang dalawang lalaking armado ng mga baril at may suot na helmet at bonnet. Nang Makita si Ponga ay pinaulanan na agad ito ng bala.
Natagpuan na ring patay sa Brgy, Pacalag, San Miguel, Bulacan ang ikatatlo sa POI na si Anthony “Tony” Garcia. May mga tama ito ng bala sa ulo at katawan at may karatula din na nakasabit sa leeg.
Habang sinusulat ang pitak na ito, iniulat din ng mga kaanak ng isa pang POI na si Alvin Mabesa na ito ay nawawala at pinangangambahang patay na rin.
Marapat lamang na kondenahin natin ang lahat ng uri ng pagpatay. Walang puwang sa sibilisadong lipunan ang pagpatay at panggagahasa, lalo na kung ang mga biktima ay may kapansanan o masyado pang bata na walang kamuwang-muwang sa mundo. Dapat lamang na papanagutin at parusahan ang maysala.
Nagpupunyagi tayo sa mabilis na paglutas ng mga pulis sa kaso. Subalit hindi natin mawari kung magsasaya tayo o magagalit sa pagpatay sa mga pinaghihinalaang kasabwat sa krimen.
Mabilisan ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima subalit ang pamamaraan ay labag sa batas at iniisip ng marami na may kinalaman dito ang dapat nagpapatupad ng batas. Sabi naman ng iba ay hindi na bale kung totoong may sala ang napatay.
Papaano kung inosente at tsismis lang ang batayan?