NI: MICA JOY O. SIMON
Patuloy umano ang magandang ugnayan sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas sa kabila ng mga pinaiiral na bagong polisiya sa mga bansang ito.
Ang pagkakaroon ng mutual respect sa pagitan nina US President Donald Trump at Presidente Rodrigo Duterte ay isang salik tungo sa matibay na relasyon ng matagal nang magkaalyadong bansa.
Sa katunayan, ipinahayag ni Pangulong Duterte kamakailan na makaaasa ang Estados Unidos ng magandang pagkakaibigan at kooperasyon mula sa kanyang administrasyon.
Samantala, bago matapos ang taong 2016, nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap sina Trump at Duterte sa telepono, kung saan ito ay inilarawan bilang ‘friendly conversation’ sa pagitan ng dalawang partido.
Ibinahagi naman ni Pangulong Duterte ang naging pag-uusap nila ni President Trump. Ayon sa pangulo, ipinahayag ng huli ang kanyang paghanga sa drug war campaign na ipinaiimplementa sa bansa. Bukod pa rito, nabanggit din umanoni Trump ang panganib na dala ng North Korea (NoKor) sa seguridad sa rehiyon.
Sa huli, inanyayahan ni Trump si Duterte na dumalaw sa White House at inaasahan din niyang makadadalaw siya sa Pilipinas sa darating na Nobyembre para sa East Asia Summit at US-ASEAN Summit.
Pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba sa polisiya
Nang mahalal ang real estate mogul at former reality-TV star na si Donald Trump bilang presidente ng Estados Unidos, marami ang nangamba lalo na ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa nasabing bansa, pati na ang mga na sa industriya ng business process outsourcing (BPO) sa Pilipinas dahil sa polisiyang “America First” na kanyang nais isulong.
Ngunit sa kabila ng pagbibigay-prayoridad sa American citizens at posibleng kawalan ng trabaho nang libu-libong hindi dokumentadong manggagawang Pilipino roon, suportado umano ito ni Pangulong Duterte, batay sa nagging pahayag ni dating Palace Communications Chief Martin Andanar matapos ang kanyang pagdalo sa inagurasyon ni President-elect Donald Trump sa Washington.
Ang pagsulong ng “America First” policy sa Estados Unidos ay isang bagay na nagpapatibay naman sa alyansa ng dalawang bansa. Ito ay dahil sa mga aspekto nitong may pagkakatulad sa pinaiigting ni Pangulong Duterte na independent foreign policy sa Pilipinas.
Kabilang dito ang proteksiyonismo o ang paghikayat sa mga bansa na unahin ang kapakanan at interes ng kanilang sariling mamamayan. Idagdag pa rito ang layunin ng dalawang partido na sugpuin ang paglaganap ng iligal na droga.
“That is the same policy of our president, so it was very comforting to hear the speech of President Trump. They have the same beliefs as President Duterte,” wika ni Andanar.
Samantala, pinaiigting naman ng Administrasyong Duterte ang pagsusulong ng tinatawag na “independent foreign policy.”
Ang nasabing polisiya ay batay sa Article II, Section VII ng 1987 Philippine Constitution, kung saan ay pagtutuunan ng pansin ang “national sovereignty, territorial integrity, national interest and right to self-determination.”
Alinsunod sa polisiyang ito, tatlong mahahalagang bagay ang isinasaalang-alang. Una, ang “separat[ion] [of Philippine] foreign policy from the US.”
Kaugnay nito, marami ang nangamba dahil sa posibleng pagkalas ng Pilipinas mula sa alyansa nito sa Estados Unidos.
Ngunit ayon kay Mon Casiple, isang political analyst, “President Duterte is not ending the relations with US. His actions since the time he made the statement showed that what he wants ‘separated’ from is the existing unequal ‘special relations’ with the US.”
Kabilang sa inaalma ng pangulo ang mga kasunduan tulad ng Mutual Defense Treaty (MDT), kung saan ay hindi binibigyang-garantiya ang Pilipinas na sa oras ng armadong salungatan (armed conflict), gagamitin ng Estados Unidos ang puwersa nito para sa seguridad ng bansa samantalang sa kahalintulad na kasunduan sa pagitan ng US at Japan ay may kalakip na probisyong ‘automatic defense’ para sa bansang Japan.
Pangalawang bagay na saklaw ng foreign policy ng bansa ay ang pagpapabuti sa relasyon nito sa China. Mula nang manungkulan si Pangulong Duterte hanggang sa kasalukuyan, isinusulong niya ang maayos na relasyon sa nasabing bansa.
Kaakibat ng layuning ito ay ang pagpapalawig sa economic cooperation ng bansa sa Beijing at pagsiyasat ng mga paraan upang lalong humupa ang tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China bunsod ng maritime disputes.
Matatandaan ang matinding alitan sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa pag-angkin ng huli sa maritime territories na sakop ng bansa tulad na lamang ng West Philippine Sea (WPS). Sa kabila nito, patuloy pa ring nakikipag negosasyon si Pangulong Duterte.
Pangatlong aspekto ng independent foreign policy ng Pamahalaang Duterte ay ang pagpapaigting ng relasyon ng Pilipinas sa non-traditional partners nito tulad ng Russia, Japan at India.
Defense cooperation kontra-terorista
Bahagi ng security relations ng Pilipinas at Estados Unidos ay ang pagsasagawa ng joint exercises at iba pang military training bilang paghahanda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagresponde sa mga krisis at kalamidad sa bansa.
Itinuturing na kapaki-pakinabang ang defense cooperation ng Estados Unidos at Pilipinas, lalo na sa mga panahon ngayon, kung saan ay naiipitang Marawi sa gulong dulot ng mga teroristang Maute.
Mahigit isang buwan nang hinaharap ng kapulisan at tropang militar ang opensiba ng mga Maute sa Marawi. Dahil sa pag-atake ng teroristang grupong ito, libu-libong mamamayan doon ang apektado at patuloy pa ring nangangamba sa kanilang seguridad at nag-aalaala sa kanilang kinabukasan.
Kaugnaynito, malaki ang tulong ng defense cooperation ng Estados Unidos at Pilipinas, kung saan ayon kay Casiple, saklaw nito ang “intelligence, logistic support and technical advice, based on previously-signed agreements (MDT, VFA, EDCA).”
Kamakailan lamang, pinagkalooban ng Estados Unidos ang bansa nang daan-daang machine guns, pistol at mga grenade launcher. Bukod pa rito, kinumpirma ni Philippine Military Spokesman Lieutenant Colonel Jo-ar Herrera na tumutulong umano ang US special forces sa pamamagitan ng pagbibigay ng technical support.
Sinabi naman ng US Embassy na “(Washington would) continue to work with the Philippines to address shared threats to the peace and security of our countries, including counter terrorism issues.”
Samantala, ang pagtulong ng Estados Unidos sa Pilipinas sa kinahaharap nitong krisis ay patunay na nananatiling matatag ang “state-to-state relations, economic, cultural, military, people-to-people and foreign policy” ng mga bansang ito.
Ngunita yon kay Casiple, “These relations need to be maintained but on the basis of relations of equals and of common interests.”
Dagdag pa niya, “(US-PH ties) will go stronger as long as the two sides respect each other in terms of friendship, mutual benefit and respect.”