Ni: Jesse C. Ong
Napipinto nga ba ang paglamlam kundi man pONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte, lahat ng mga mata’y nakatuon na sa local mining industry sapagkat ito ang umani ng pinakamalulupit na banat mula sa Chief Executive bunsod ng pagkasira ng kapaligiran.
Unang hagupit sa mining companies
Bilang pagtalima sa direktiba ng Pangulo na itigil ang patuloy na pagkasira ng kapaligiran bunga ng iresponsableng pagmimina, inihayag kamakailan ni Environment Secretary Roy Cimatu na hindi niya aalisin ang ban sa open-pit mining na naunang ipinatupad ng pinalitang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Gina Lopez.
“There is a department order on the ban on open pit mining issued by Secretary Lopez. It still stays,” aniya.
Maliban sa nasabing pahayag, higit na nalagay sa alanganin ang kapalaran ng mga kumpanyang nagsasagawa ng open-pit mining nang magpahiwatig ang bagong kalihim ng DENR na hindi ito magmamadaling lumikha ng desisyon kung papanatilihin, babaguhin o babaligtarin ang mga kautusan ng naunang environment chief.
Ayon kay Cimatu, kinakailangan nilang repasuhin ang sandamakmak na dokumentong isinumite sa kanilang tanggapan at pag-aralan ang ilang ebidensyang hawak.
At hindi lamang ang kautusan laban sa open-pit mining ang patuloy na ipatutupad kundi maging ang pagmimina sa mga lugar na ‘proclaimed as watershed.’
May sablay sa mining contracts?
Mistulang sinasakyod talaga ng walang humpay na problema ang industriya ng pagmimina sapagkat hindi lang ang pagkasira ng kapaligiran na isinisisi rito ang isyung nararapat nitong solusyunan.
Lumalabas kasing may sablay sa ilang mining contracts na nauna nang naitakda bago pa man naiproklamang watershed ang mga nabanggit na mining sites.
Sakit ng ulo ngayon ng DENR kung anong hakbang ang gagawin hinggil sa mga minahang nakapagsimula na ng operasyon bago pa man maideklarang watershed ang mga ito.
Apela ng mga minero sa open-pit mining
Kung ang open-pit mining ay itinuturing na salot sa kapaligiran ng mga environmentalists, ang isyu at mga bagay nakapaloob dito ay isang bagay na nararapat bigyan ng pansin at ibayong kunsiderasyon ng kinauukulan, ayon sa Chamber of Mines of the Philippines (CMP).
“Ang open-pit ban ay isang seryosong policy decision na kinakailangang suriing mabuti batay para sa kapakanan ng lahat ng stakeholders,” pahayag ng vice president ng CMP na si Atty. Ronald Recidoro.
Mga karaniwang paglabag ng mga minahan
Ayon sa DENR, kabilang sa mga pangunahing paglabag ng maraming companies na sapat nang dahilan para suspendihin ang operasyon ng mga ito ay ang pamumutol ng mga puno nang walang permit, kawalan ng water permit, polusyon at pagbara ng mga dagat at kailugan sa lugar, at iba pang maling gawain na nagiging sanhi ng soil erosion o pagguho ng lupa.
Ang epekto ng mga ito sa buhay, kaligtasan at kalusugan ng mga host communities ay napakalaki, ayon pa sa DENR.
Ang mga latak ng pagmimina umano ang naging dahilan ng pagkukulay-tsokolate ng mga ilog at dagat sa ilang lugar sa bansa na naging dahilan naman ng pagkawala ng mga isda at pagkasira ng ecosystem ng mga ito.
Marami ring mga magsasaka ang apektado sa mga komunidad na malapit sa mga mining companies, dahil binabara rin ng latak ang mga irigasyon, o may dalang latak ang tubig.
Matigas kung matuyo ang latak kaya nakamamatay ito ng mga tanim o hindi na maaaring mataniman pa ang lupa.
Noong 2016, napaulat na 20 mining companies ang tinamaan ng mga nasabing paglabag at inirekomendang ipasara ng DENR.
Sa nakaraang SONA ng pangulo, sinabi din niya na pag-aaralan ng kaniyang administrasyon na kung hindi man tuluyang isara ang industriya ng pagmimina ay papanagutin niya ang mga kumpanya sa pagkasira sa kapaligiran, gawing requisite sa mga ito ang rehabilitation at reforestation, kinakailangan may sapat na compensation o kabayaran sa mga apektadong komunidad, at masugid na babantayan ang kanilang pagbabayad ng buwis.
Maliit ang ambag sa ekonomiya
Sa usapin hinggil sa pakinabang na hatid ng local mining industry sa ekonomiya, lumalabas na napakaliit lamang ng ambag nito sa kaban ng bansa at sa kapakanan ng mamamayan.
Batay sa datos na ipinalabas ng National Economic Development Authority (NEDA) noong nagdaang taon, wala pang isang porsyentong Gross Domestic Product (GDP) ng bansa ang naiambag ng mining at quarrying industry sa pagitan ng 2000 at 2015.
Inihayag ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na ayon sa Mineral Asset Accounts of the Philippines (MAAP), ang sektor ng pagmimina ay nakapag-ambag lamang ng 0.7 percent ng GDP at 5.6 percent ng total exports.
Idinagdag ni Pernia na ang nasabing sektor ay nakalikha lamang ng 236,400 trabaho taun-taon sa pagitan ng 2011 at 2015.
Kung ang IBON Foundation ang tatanungin, isang non-government think-tank, mas nakikinabang pa ang steel-producing countries sa yamang lupa ng Pilipinas. Noong taong 2015, umabot sa 71% ng mineral ng bansa ang iniluwas sa naturang mga bansa.
“Dahil sa maliit na kontribusyon nito sa ating ekonomiya, magkakasalungat na pananaw sa pagmimina at sa mga nakapaloob na isyu rito kaya ang naiiwang katanungan ay kung paano natin mapakikinabangan nang husto ang ating mineral resources,” aniya pa.
Una na ring sinabi ni Pangulong Duterte sa isang pahayag na kung aabot lamang ng P7 bilyon ang ambag ng industriya ng pagmimina sa ekonomiya sa bansa ay hindi natin kailangan ito kung dehado naman ang mga Pilipino.
Sinabi din niya sa kanyang nakalipas na SONA na marapat na itigil nalang ang ekstraksyon at paglabas ng ating mga yamang lupa at gawin na lamang itong mga produktong makaambag pa sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Mining investors, nag-aalangan nang mamuhunan sa bansa?
May mga ulat na urung-sulong ngayon ang ilang mining investors sa pagdedesisyon hinggil sa pamumuhunan sa bansa.
Ngunit taliwas sa inaakala ng marami, hindi ito dahil sa mga banat ng Pangulong Duterte laban sa mining companies sa kanyang SONA kundi bunga umano sa maraming butas sa mining policy ng mga nagdaang administrasyon at mariing pagkontra rito ng ilang anti-mining groups.
Ang Pilipinas ang pinakamalaking producer at exporter ng nickel, kung saan ang China ang tumatayong single major buyer nito. Ito rin ang pangunahing pinagmumulan ng ginto at copper ore na iniluluwas sa ibang bansa.
Mayroon lamang dalawang processing plants para sa nickel at dalawa para sa ginto sa Pilipinas. Para sa downstream processing, sinabi ng mga mining experts na may pangangailangan para sa isang tuluy-tuloy na supply ng kuryente, isang problemang hindi pa rin nasosolusyunan ng mga kinauukulan hanggang sa kasalukuyan.