PINAS

Agarang pagpapalabas ng P100-M pondo, hiling ng Department of Agriculture

Aabot sa isandaang milyong piso o higit pa dito ang balak hingin ni Agriculture Secretary Manny Piñol kay Pangulong Rodrigo.

Sa isang pulong balitaan ng isinagawa sa mismong tanggapan ng Kagawaran ng Pagsasaka, sinabi ni Piñol na imumungkahi nito sa pangulo ang agarang pagpapalabas ng nasabing pondo na manggagaling sa calamity fund ng ahensiya.

Ito’y bilang tulong sa mga apektadong poultry o fowl owners sa probinsiya ng Pampanga na apektado ng bird flu outbreak.

Kasama din sa mabibigyan ng kaukulang pondo ay ang mga poultry farmers sa lugar.

Matatandaang aabot na sa halos animnaraang libong manok at itik na napapatay ng grupo ng DA at Bureau of Animal Industry (BAI).

Maliban dito, nauna na rin na nakikipag-ugnayan ang DA sa probinsiya ng Pampanga kung ano pa ang maaaring tulong na maaari nilang maibigay.

Ani Piñol, handa ang kaniyang opisina na maglaan ng mga binhi ng palay at buto ng gulay sa mga mamamayang nais magtanim ng palay at piliin ang pansamantalang paggugulay.