Ni: EZ G.
Lubos na nakakataba ng puso na makita ang mala-milagrong panalo ng Gilas Pilipinas laban sa higanteng China sa FIBA Asia Cup 2017, ilang araw na ang nakakalipas. Kamangha-mangha ang pagkapanalo ng Pilipinas laban sa tinaguriang Asia’s Powerhouse at former FIBA Asia Champions. Tinalo rin nila ang malalaki at pisikal na Iraq team. Bagama’t hindi sila pinalad laban sa South Koreans, maipagmamalaki pa rin ng Gilas ang kanilang narating.
Maganda ang support system ng programang Gilas Pilipinas. Maganda ang following nito pagdating sa mga fans at taga-hanga, hindi nagkukulang sa sponsorships, hindi kinakapos sa pondo. Sana ganito ang buong sports program ng Pilipinas. Subalit, sa kasamaang palad, malayo ito sa katotohanan.
Palakasan sa P’nas, ano na ang nangyari?
Sa Pilipinas, malaki ang suliranin ng ilang sports discipline natin. Nakakadismayang isipin, kung nagagawa sa larangan ng basketball ang buong suporta sa mga players nito, bakit kaya napapabayaan ang ibang atleta sa ibang sports program?
Magagaling sana ang ating mga atleta—masisipag, malalakas, matitiyaga, mataas ang pangarap. Subalit lumalagapak lamang sa kawalan ang kanilang mga pangarap. Kung hindi kawalan ng suporta sa mga opisyales nila, nanakawan ng pondo, o ‘di kaya ay nadadale sila ng pamumulitika.
Aminin man natin o hindi, nauungusan na tayo ng iba nating kapitbahay na mga bansa. Noong dekada ’70 hanggang dekada ’80, kapag larangan ng isports ang pinag-usapan, hindi tayo nawawala sa ‘top three’ sa Asya—Japan, China at Pilipinas ang kadalasang sikat sa larangan ng palakasan. Ngayon, nangungulelat tayo sa ibang sports, at halatang-halata na napapabayaan natin ang ibang discipline sapagkat paunti nang paunti ang mga laban na ating sinasalihan. Paano tayo makakalaban sa ibang bansa kung sa loob pa lamang ng ating sistema ay marami nang hadlang at problema?
Kalunos-lunos na kalalagayan
LAWN TENNIS. Napakatindi ng pamumulitika sa larangan ng isports dito sa ating bansa. Matatandaan na noong 2015, sa kasagsagan ng magandang performance ni Marian Jade Capadocia sa larangan ng Lawn Tennis, ay tinanggal siya sa Philippine Team ng pamunuan ng Philippine Lawn Tennis Association. Si Jade ay kilala bilang isa sa pinakamagaling na singles player ng lawn tennis sa bansa, 3-time Open Women’s Singles Champion. Ganun din ang sinapit ni Patrick John Tierro na 2014 PCA Open Men’s Singles titlist sa larangan ng lawn tennis. Ganito rin ang sitwasyon at hinaing sa cycling, wrestling, volleyball, table tennis at iba pang sports na sana ay ensayo na lamang ang hinaharap ng mga atleta at hindi sama ng loob.
ROWING. Taong 2014 naman nang halos hindi nakasali ang Philippine Army Dragon Boat Team sapagkat wala silang pamasahe. Sa tulong ng mga kababayang, pinahiram sila ng pamasahe makarating lang sa Italy, kung saan gaganapin ang torneo. Pagdating sa Italy, natawid nila ang kalam ng sikmura sa pamamagitan ng iilang baong de-lata, at pangunguha ng tahong sa Porto Corsini at gulay sa bakuran ng isang kababayang pinoy.
Nagsikap ang rowing team, nanalo at nag-uwi ng gintong medalya. Good ending hindi ba? Subalit hindi lahat ng atleta natin ang sinuswerte tulad ng ating dragon boat team. Karamihan ay umuuwi nang luhaan at sama ng loob ang dala galing sa torneo. Ang iba naman, hindi na nakalaro dahil nakupit na ang pondo. Mas ninais nalang nilang magtrabaho na lamang ng iba o bumalik sa pag-aaral.
CHESS. Isa sa nakakapanghinayang na atleta sa larangan ng Chess ay ang batang chess grandmaster na si Wesley So. Dahil sa galing ni Wesley, maaga siyang nakilala bilang isa sa pinakamagaling na Filipino chess player. Subalit dahil sa kawalan ng malinaw na suporta mula sa ating gobyerno, ninais pa ni Wesley na magpa-ampon na lamang sa bansang America. Nagdala siya ng kampeonato para sa Estados Unidos at umani ng gintong medalya. Siya ang tanging Filipino player na may bitbit ng American record na best score sa paglalaro ng chess.
BILLIARDS. Nagsikap maging champions ng billiards sina Django Bustamante at Efren ‘Bata’ Reyes na madalas ay umaasa sa naipong pera galing sa mga torneong kanilang sinalihan at private sponsors. “Walang mga malalaking laban. Kaya paano mabubuhay ang mga bilyarista natin,” ayon kay Bugsy Promotions chief Perry Mariano. Si Asian Games gold medalist Warren Kiamco ay lumipat na sa US, at ganun din si dating world champion Ronnie Alcano na ngayon ay sumasabak sa mundo ng poker. Umaalis na rin sa bansa at naghahanap ng iba pang pagkakakitaan sa ibang bansa ang ilan pa nating manlalaro.
Kailangang magkasundo-sundo ang mga opisyales ng iba’t ibang samahan at ahensiya na may kinalaman sa pag-aruga sa ating mga atletang pinoy. Sayang ang kanilang galing. Ang ganda sanang panoorin ang kapwa nating pinoy kapag nakakagawa ng upset victory, lalo na sa mga big-time opponents. Magaling ang mga pinoy, sana habaan pa nila ang kanilang pasensiya at tugisin ang mga kawatan at walang kwentang mga lider na pumapatay lamang sa kinabukasan ng sports sa ating bansa.