Ni: Shane Elaiza Asidao
Hindi lamang “internet” ang pinagkakaabalahan ng bawat isa sa atin. Mayroon ding iilan ang abala sa pagmamahal at pag-aalaga ng mga aso at ibang pang klase ng hayop.
Ayon sa isang artikel ng “Global Animal”, 61 bahagdan ng mga kababaihan ang nagsasabi ng kanilang mga problema sa kanilang mga alagang aso. 31 porsyento naman ang nakakaramdam na mas nakikinig ang kanilang mga alaga kaysa sa kanilang kasintahan o asawa. Sa kabilang banda, 14 porsyento ng mga kalalakihan ang nagsasabi na mas nagpapakita ng pagmamahal ang mga aso kaysa sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit mas marami ang nag-aalaga ng aso sa panahon ngayon. Gayunpaman, hindi lahat ng kainan ang mayroong “pet-friendly environment”. Subalit, may mga butihing loob ang sumubok magtayo ng negosyo na makakatulong sa mga alagang hayop.
Gaya na lamang ng “Whole Pet Kitchen”, isang “pet-friendly bakery and café” na sikat na tambayan ng mga “dog-lovers” sa San Juan City.
Pagkaing ligtas para sa mga alagang aso
Hindi lamang pagkain ng tao ang kanilang hinahanda ngunit mayroon silang mga pagkaing espesyal na tiyak na ligtas at gawa sa mga natural na sangkap para sa lahat ng klase ng aso. Walang sangkap na “grain” ang kanilang mga putahe dahil ayon sa PetMd.com, isa ito sa pinagmumulan ng “allergy” at problema sa kalusugan ng mga alagang aso at pusa.
Ilang halimbawa ng kanilang pagkain ang “Buffalo & Veggies”, isang “grainfree” at simpleng pagkain na mayroong limitadong sahog para sa mga sensitibong aso. Sagana ito sa protina, may mababang bahagdan ng “calorie”, “cholesterol” at “fats” na maaaring kainin ng mga alagang aso na sensitibo sa pagkain.
Karagdagan pa ang kanilang “Chicken and Squash Meal”. Mayroon itong ampalaya, okra at “chayote”. Isa itong “high fiber meal” na puwedeng kainin ng mga asong mahilig sa manok.
Isa rin sa kanilang inihahanda ang “Egg and Rice Meal”. Wala itong “gluten” at “wheat” na iniluluto partikular para sa mga matatandang aso.
“Good Dog Grub” ang “brand” o tawag sa mga nabanggit na “dog food” kung saan mano-mano nila itong ginagawa, iniluluto at inihahain.
Kasama rin sa menu ng café ang iba’t ibang klase ng “waffles”, “shakes and juices”, “pastas and sandwhiches” at “coffee, tea and soda” para sa mga pet owners.
Pagsisimula ng negosyo
Ayon kay Giannina Gonzalez, ang may-ari ng “Whole Pet Kitchen”, kaya niya sinimulan ang negosyo na “pet-friendly” dahil nais niyang makapagbigay ng serbisyo kung saan maihahatid nito ang kinakailangan ng isang “pet owner”. Aniya, gusto rin niya magtayo ng isang lugar na makakatulong sa pag-unlad ng kalusagan ng mga alagang hayop at para humaba pa ang kanilang buhay.
Wika ni Giannina, “We offer a specialized restaurant service for pets and their owners. We make cakes, treats and dog food made with 100% human grade and natural ingredients.”
Sila ang kauna-unahang nakagawa ng ganitong klase ng negosyo na may tamang business permit at aniya, hindi nila ito ginagawa para lamang kumita ng pera.
“Most of the pet bakeries we see kept copying our products using inferior/artificial ingredients which may do more harm than good. They tried, but we’re really glad clients who have tried these brands keep coming back to us,” pahayag ni Giannina.
Dinarayo rin ng mga sikat na personalidad ang kanilang restawran. Kabilang na rito si Jasmine Curtis-Smith, sikat na aktres sa bansa. Pinasyal niya ang kaniyang alagang Pug, isang lahi ng aso, na sina Papito at Waffle sa “Whole Pet Kitchen” para ilibre at pasayahin. Kasama na rin sina Colleen Garcia, Sarah Geronimo, Karylle at Saab Magalona sa mga naging customers ng kanilang negosyo.
Naging bahagi na rin sila ng samu’t saring pahayagan, magasin, gaya ng Inquirer at Good Dog Magazine, at mga TV Shows sa loob at labas ng bansa gaya ng The Reuters, CNN, Good Morning Club, at marami pang iba.
Negosyong ‘pet-friendly café’
Ayon kay Iris Vicente, isang “dog lover”, nagugustuhan niya ang konsepto ng “pet-friendly cafes” dahil aniya, mahirap makahanap ng restawran kung saan puwede isama ang iyong alagang hayop.
“It’s really nice that they are also accommodating dogs because in other countries naman daw, people bring their dogs anywhere with them so I just hope dumami pa ýung cafes na katulad nila,” ani Iris.
Katunayan ayon sa Euromonitor.com, patuloy pa rin na tumataas ang bilang ng mga pamilya na nag-aalaga ng aso sa Pilipinas mula taong 2014. Kaya mas maigi ang pagtatayo ng “pet-friendly business” dahil malaki ang maitutulong nito sa mga “customers” na mayroong kanya-kanyang alaga.
Sa pahayag ni Giannina, nagustuhan niya ang kanyang pagbuo sa nasabing negosyo dahil nakatulong ito sa ilang pagbabago ng kanilang komunidad.
“At this day and age, we have so many companies running just for money,” kwento niya, “they don’t genuinely care if their products can harm their clients in the long run.”
Pinapanatili ni Giannina na maging natural at maayos ang kanilang mga inihahandang pagkain para sa mga aso.
Layunin ng kanilang café na magbigay ng “best quality, locally made products in the market” sa kanilang mga kliyente at sa kabilang banda, magbigay ng excellent work environment, na masaya at nakakaaliw sa kanilang mga staff dahil gusto ni Giannina na may matutonan sila sa kumpanya.
Aniya, kung plano mo mag-alaga ng aso, siguraduhin na humingi ng tulong sa magaling na beterinaryo para maprotektahan ang iyong alaga at mabigyan ito ng tamang pag-aaruga.
Para naman sa mga susubok magtayo ng negosyong “pet friendly” o kahit anong klaseng negosyo, payo ni Giannina, “If you’re planning to shortchange your customers, you’re in the wrong business.”
Kasama sa mga inaalagang hayop ni Giannina ang 50 isda na nasa kanilang fish tanks at dalawang budgies, shihtzus, jackrussels, isang chihuahua at isang golden retriever.