Ni: Edmund C. Gallanosa
May bagong “technological term” na maaaring narinig na ng karamihan sa atin subalit hindi natin alam kung ano ang ibig sabihin nito—Data Science. Sa mga ‘high-tech’ na bansa tulad ng Estados Unidos at sa Europa, ang terminong ‘data science’ ay gamit na nila ilang taon na ang nakakaraan. Ang data science ay katulad ng salitang ‘android’ noon, naririnig ng karamihan subalit hindi naiintindihan.
Ang Data Science ay ang agham ng pagpapaliwanag ng mga datos sa pamamagitan ng mga application gamit ang mathematics, statistics, information science at computer science.
Ang terminong Data Science ay ginamit noon ni Peter Naur taong 1960. Nobyembre naman ng taong 1997 sa lecture ni C.F. Jeff Wu na pinamagatang “Statistics = Data Science?” kaniyang tinalakay ang data science bilang pinagsama-samang combinasyon ng data collection, data modeling and analysis, at decision making. Dagdag pa ni Wu, kilala ang isang data scientist bilang ‘eksperto’ sa interpretasyon ng mga datos kung paano ito makakatulong sa kanilang kumpanya.
Ayon sa McKinsey Global Institute, sa Estados Unidos pa lang ay maaaring umabot sa 4 hanggang 5 milyong trabaho o empleyadong may background o kaalaman sa mga interpretasyon ng mga datos ang kakailanganin sa darating na panahon. Ayon naman sa Glassdoor, isang US recruitment agency, ang tinatayang average salary ng isang data scientist ay maaaring umabot ng 5 milyon piso kada taon.
Sa mga hindi pa sigurado kung anong kurso ang kukunin sa kolehiyo, lalong-lalo na sa mga ga-graduate pa lamang ng high school, pag-aralang mabuti ang mga sumusunod na dahilan kung bakit magandang mag-aral o magpakadalubhasa sa data science.
1. Cash money.
Mula sa mga nagsusulputang maliliit na negosyo hanggang sa mga kumpanya na kasama sa ‘Fortune 500’, pinagkakaguluhan ang mga data scientists—parang pandesal sa umaga na pinag-aagawan. In demand ika nga, kung kaya’t napakalaki ng bayad sa mga ito.
2. Live the C-suite life.
Ang isang data scientist lang naman ay gumagamit ng mga hindi basta bastang programming languages tulad ng Hadoop, Spark R, Panda at iba pa na maaaring hindi pamilyar ang regular na tao. Mataas ang respeto sa kanila at binibigyan sila ng kalayaang gumalaw sa iba’t ibang departamento upang mapag-aralang maigi ang mga datos para sa ikabubuti ng buong kumpanya. Kumukonsulta ang mga executives at may-ari ng mga kumpanya sa kanila dahil sa kanilang galing na ipaliwanag ang mga nangyayari sa kumpanya sa pamamagitan lang ng pagbabasa ng mga datos nito.
3. Make a difference.
Hindi lang dahil sa malaking sahod o sa kanilang pribilehiyong makipag-salamuha sa mga executives ng kumpanya sila tanyag, naiimbitahan din sila sa mga kilalang bootcamps at fellowships work para ibahagi ang kanilang nalalaman. Sa isang imbitasyon lamang, ang isang data scientist ay binibigyan ng stipend na umaabot ng halos 800,000 libong piso.
4. Speak volumes.
Lahat ng bansa na nais umasenso kailangang maging ‘globalized’ ang pananaw. Ganiyan din ang pananaw ng isang data scientist. Anila, “understanding data science helps you speak an international language that contributes to the bottom line from day one.”
5. Go Macro.
Sa bawat galaw ng tao ngayon ang karamihan ay umaasa sa mga technology advancement, apps o application upang dumali ang kanilang pangaraw-araw na gawain sa buhay. Malaki ang iyong lamang kung ang mga bagay-bagay na ganito ay iyong naiintindihan, makakausad ka nang may kasiguruhan at sa tamang direksyon. ‘Yan ang lamang ng mga data scientist sa atin.
6. You can finally go popular.
Wala nang mas magiging popular pa sa kasalukuyan sa isang taong may kakayanang umintindi sa pagpapatakbo sa anumang negosyo. Sa dami ng impormasyong at datos sa paligid, matindi ang pangangailangan sa mga data sceintists—dahil sa pag-intindi ng mga datos nakataya ang kita at katatagan ng isang kumpanya.
7. Harvard thinks you’re sexy .
Ayon sa Harvard Business Review ang pagiging data scientist ang tinaguriang “sexiest job of the 21st Century” sa hinaharap. “If ‘sexy’ means having rare qualities that are much in demand, data scientists are already there. They are difficult and expensive to hire and given the very competitive market for their services, difficult to retain. There simply aren’t a lot of people with their combination of scientific background and computational and analytical skills.”
8. Dominate Domo.
Walang kaduda-duda na ang data science ang ‘career of the future.’ Sa mga interesadong malaman pa ang tungkol sa Data Science, marahil makakatulong ang Domo na makapagbigay ng dagdag kaalaman. Isang magandang simulain ang aralin ito. Ang Domo ay isang program na gawa ng isang software company mula sa American Fork, sa Utah ng Estados Unidos. Ito ay nakatutok sa pagbabalangkas ng mga intelligence tools at data visualization, o tamang pag-uunawa ng mga datos. Maaari ninyong icheck sa google ang hinggil sa Domo o kaya’y buksan ang www.domo.com/careers para sa mga karagdagang impormasyon.