Ni: Jesse C. Ong
Umaasa ngayon ang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China na maiibsan kundi man ganap na mawawala ang tension sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea matapos ang pormal na paglagda sa Framework of the Code of Conduct dito kamakailan.
Naganap ang pinakahihintay na pag-endorso sa Framework of the Code of Conduct (COC) in the South China Sea sa pagtatapos ng ASEAN Foreign Ministers’ meeting sa Maynila, kung saan ay pinangunahan ng Pilipinas ang paglagda sa binalangkas na mga patakaran sa paglalayag sa nasabing karagatan upang mapanatili ang isang status-quo at maiwasan ang mararahas na komprontasyon doon.
Magugunitang sumiklab ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China mula 2011 hanggang 2016 bunsod ng hindi mabilang na pagpasok ng ilang Chinese ships sa exclusive economic zone ng bansa sa West Philippine Sea.
Inokupahan ng China ang Panatag (Scarborough) Shoal at nagsagawa ito ng malawakang reclamation at nagtayo ng mga pinaghihinalaang military facilities sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Naayos lamang ang bilateral relations ng Pilipinas at China noong nagdaang taon nang magsimulang manungkulan ang Pangulong Duterte at isantabi ang pakikipag-agawan sa teritoryo, maging ang isyu ng pagwawagi ng bansa sa isang international arbitration court na bumasura sa mga detalye ng pag-angkin ng China dito.
Bilang tagapangulo ng ASEAN ngayong taon, isinulong ng Pilipinas ang nabanggit na COC framework na natapos buuin ng isang technical working group mula sa mga kasaping bansa at China noong Mayo.
Mga nilalaman ng COC framework
Sa ilalim ng inendorsong COC framework, napag-alamang ang naturang balangkas ay naglalaman ng ilang patakarang magsisilbing gabay sa paglalayag ng mga kinauukulan sa South China Sea at magsusulong ng maritime cooperation sa nabanggit na karagatan.
Nakapaloob din doon ang pagsusulong ng mga partido ng tiwala at kooperasyon sa isa’t isa, pag-iwas sa mga insidente at paglutas sa mga ito sakaling may maganap na hindi magandang pangyayari at pagbuo ng isang kaaya-ayang kapaligiran para sa mapayapang pagresolba sa mga hindi pagkakasundo.
Tampok din sa binalangkas na polisiya ang pangangailangan para sa ganap at epektibong pagpapatupad ng Declaration of the Code of Conduct of Parties in the South China Sea na nagbabawal sa militarisasyon sa pinag-aagawang teritoryo.
Gayunpaman, ayon din sa naturang sea code, ang COC ay hindi plataporma kung saan lulutasin ang mga problema hinggil sa pinag-aagawang mga territory.
Limang bansang nasasaklaw ng framework-COC
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Robespierre Bolivar, ang paglagda ng mga pinuno ng ASEAN at China sa Framework-COC ang maituturing na pinakatampok na bahagi at legasiya ng ASEAN chairmanship ng Pilipinas ngayong taon.
“Ang COC ay isa sa mga paraan kung saan ay umaasa ang ASEAN na mapigilan o maibsan man lamang ang tensyon sa South China Sea,” pahayag ni Bolivar.
Maliban sa Pilipinas at China, ang iba pang mga bansang nasasaklaw ng Framework-COC ay kinabibilangan ng Brunei, Malaysia at Vietnam. Maging ang Taiwan ay nakikipag-agawan ng teritoryo sa South China Sea, ngunit sa ilalim ng One-China Policy, ito ay itinuturing ng ASEAN bilang isang renegade province ng China.