PINAS

Awayang Lacson at Faeldon, hindi pakikialaman ng Malakanyang

Ni: Hannah Jane Sancho

Hindi pakikialaman ng Malakanyang ang patutsada sa isa’t isa nina Senador Panfilo Lacson at ex-Customs Commissioner Nicanor Faeldon kaugnay sa korapsyon sa Aduana.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, susuportahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang anumang imbestigasyon kaugnay sa hinaharap na alegasyon ni Faeldon.

Binigyang diin ni Abella na hahayaan ng Palasyo na gumulong ang proseso kaugnay sa imbestigasyon.

Kahapon sa naging privilege speech ni Senador Lacson ay binunyag nitong tumatanggap ng 100 million pesos si Faeldon sa pagupo nito bilang commissioner ng Customs.

Binunyag din ni Lacson ang mga opisyal ng Customs na sangkot sa tara system.

Sinagot naman ni Faeldon ang akusasyon sa kaniya ng senador na ang anak ni Lacson ay sangkot sa smuggling ng semento at mayroon itong hawak na katibayan.

Sinabi ng Malakanyang na dapat beripikahin at dumaan sa masusing imbestigasyon ang mga alegasyon ni Faeldon sa anak ni Lacson.