Inaresto ang isang 38-taong gulang na babae sa Orlando, Florida USA dahil sa pagpapanggap nito na may terminal cancer at tumanggap ng mga donasyon ilang taon na ang nakalilipas. Nahaharap ito ngayon sa kasong fraud o pandaraya.
Ginamit ni Vedoutie Hoobraj ang alyas na Shivonie Deokaran habang nagsagawa ito ng scam mula Oktubre 2014 hanggang Marso ng 2016 ayon sa imbestigasyon ng mga federal prosecutor.
Nakalikom si Hoobraj ng mahigit $50,000 mula sa 300 katao sa Westchester County ng New York kung saan sila dating naninirahan. Nilikom niya umano ito sa pamamagitan ng paggamit ng GoFundMe pages. Iniorganisa pa ng isang college club ang isang ‘Spaghetti Dinner’ upang makatulong na makalikom pa para kay Hoobraj, na nagpahayag umano na may 18-buwan na lamang ang itatagal niya sa pagkakaroon ng leukemia at kanser sa baga.