Ni: Maynard Delfin
Nasa kamay ng tao ang pagkamit ng tagumpay sa buhay. Tulad ng buhay artista, hindi lahat ay may marangyang buhay sa umpisa. Marami ang nagsimula sa baba, nagsikap, at nagtiyaga bago naabot ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Dahil sa ‘showbizness’, nagbago ang kanilang kapalaran at natugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi man naging madali ang daan sa tagumpay para sa kanila, ginamit naman nila ang kahirapan bilang inspirasyon na ipagpatuloy ang laban.
Sa pamamagitan ng angking kagalingan, pagtitiis, at pagsisikap, sinubukang pasukin ang mundo ng showbiz na buo ang loob at may tamang paghahanda.
Alamin kung sino sa mga idolo ninyo ngayon na kapupulutan ng aral na naniniwala na ang lahat ay posible kung magtitiwala ka lamang sa kakayahan mo.
Jericho Rosales: Fish vendor na naging sikat na dramatic actor
Mula sa salat na pamilya, kailangang magbenta ng isda ni Jericho para makapag-ambag ng pagkain sa kanilang mesa. Kasama niya ang ina sa pagbebenta. Sa kanyang paglaki, namasukan siya bilang service crew sa isang fast food restaurant para sa dagdag na kita. Nagtrabaho din siyang personal na driver ng ilang may-kaya sa kanilang lugar. Nang mabalitaan ang audition ng Mr. Pogi sa Eat Bulaga noong 1996, agad siyang sumali doon. Mula noon, ito ang nagbukas sa kanya ng maraming oportunidad sa showbiz. Kasal na siya ngayon sa modelong si Kim Jones.
Marvin Agustin: Trabahador noon, may-ari na ngayon
Maraming pinasukang trabaho si Marvin Agustin sa murang edad pa lamang para kumita. Namasukan siya bilang maskot, staff sa isang video store, at waiter. Sa pagtuntong niya siya sa showbiz, isa siya sa pinakasikat na matinee idol noong dekada ‘90 na nakapareha ni Jolina Magdangal bilang love team. Malayo sa kanyang nakaraan, isa nang entrepreneur si Marvin, producer ng mga concerts, at restaurateur. May sarili na siyang entrepreneur school na tumutulong sa mga kabataan na makapagnegosyo.
Coco Martin: Waiter-caregiver na naging sikat na aktor
‘Di ikinahihiya ni Coco Martin ang pagiging waiter bilang unang trabaho niya ng makapagtapos ng Hotel and Restaurant Management. Nang magkaroon ng oportunidad na mangibang bansa para kumita ng mas malaki para sa pamilya, nakipagsapalaran siya sa Canada bilang caregiver. Kalaunan, napagtanto niya ang tawag ng pag-arte at showbizness kaya’t sumabak siya sa mga indie films at ito ang naging daan ng kanyang pagsikat. Di naglaon, binansagan siyang “Prince of Philippine Independent Films.” Sa kasalukuyan, isa siya sa pinakamahal na artista sa ABS-CBN na may top-rating TV series na ‘Ang Probinsyano.’ Mahal na mahal ng masa si Coco Martin dahil sa pagiging humble nito at mapagmahal sa pamilya.
Isko Moreno: Basurerong naging pulitiko
Bago pa man sumabak sa pag-aartista at pulitika si Isko Moreno, isa siyang simpleng garbage collector o tagakolekta ng basura. Mula sa mahirap na pamilya, nangongolekta siya ng mga magasin at lumang pahayagan gamit ang kariton sa mga kapaitbahay para maibenta sa junk shop na malapit sa kanila. Tumutulong din siya sa kanyang ina sa paghahanap ng tirang pagkain para sila may makain. Sa pagkadiskubre sa kanya ni Kuya Germs, nagbago ang kanyang kapalaran. Naging sikat siyang artista.
Hindi naglaon nagamit ni Isko ang kasikatan upang makapundar ng kabuhayan sa pamilya, makapag-aral, at mapasok ang pulitika. Naging vice-mayor ng Maynila at sumubok tumakbo bilang senador. Malayo na talaga ang narating ni Isko Moreno mula sa pagbabasura hanggang makamit ang maayos na pamumuhay.
Vice Ganda: Bottled water vendor noon, tanyag na comedian na ngayon
Taas-noong ipinagmamalaki ni Vice Ganda na minsang siyang nagbenta ng mga bottled water sa Tondo noong World Youth Day sa bansa noong 1995 para kumita ng pera. Puspusan din noon ang pag-audition niya sa mga comedy bar para magka-sideline at may pantustos sa personal na gastusin. Propesyon na niya marahil ang magpatawa ng mga tao. Bagama’t nakakaranas din siya ng masasaya at malulungkot na pangyayari sa buhay, patuloy pa rin siyang nagpapasaya ng mga fans at pamilya. Isa siya ngayong lead host ng noontime show na ‘It’s Showtime’ at bumida na rin sa mga blockbuster comedy movies ng Star Cinema.
Iba’t ibang mga pamamaraan ang pagsikat ng tao. May ilang sumasali sa mga reality shows at nakikipagkumpetensya sa iba pang mga kalahok upang makilala ng mga tao. Ang ilan naman ay sumasali sa mga beauty contest o patimpalak sa telebisyon upang maipamalas ang galing, talino, lakas o ganda. Dito nabibigyan ng exposure ang mga potensyal na gustong mag-artista na makita ng mga manager o producer ng mga movie outfits. Madalas ang karamihan ay nadidiskubre ng scout ng isang talent agency sa mga pampublikong lugar tulad ng mall, bar, at restaurant.
Ai-ai delas Alas: Sales lady na naging Comedy Queen
Nagsimula si Ai-ai bilang isang hamak na saleslady sa isang mall sa Maynila. Gamit ang angking galing sa comedy, naisipan niyang magtrabaho sa mga stand-up comedy bars sa Maynila na nagbigay daan sa break sa pag-arte sa showbiz. Ang pelikulang “Ang Tanging Ina” ang nagbigay ng pinakamalaking break sa kanya sa direksyon ng yumaong si Wenn Deramas. Ang pagpapatawa at pagpapaligaya ng mga manunood ang itinuturing niyang misyon niya sa buhay. Sa kasalukuyan, dalawa ang bansag sa kaniya ng mga fans—‘Philippine Queen of Comedy’ at ‘Comedy Concert Queen.’