PINAS

CHEd, kumpiyansa na mapopondohan ng gobyerno ang libreng tuition

 Ni: Jun Samson

Aminado ang Commission on Higher Education o CHEd na nangangailangan ang gobyerno ng halos P20B para maipatupad ang free tuition law sa susunod na taon na inaasahang pakikinabangan ng halos 1 million na estudyante mula sa state-run higher education institutions.

Ipinaliwanag ni CHEd Commissioner Prospero De Vera na ang P16.8B mula sa pondo ay ilalaan sa 112 state universities and colleges at 16 local universities at colleges.   Ang halos P3B naman ay mapupunta sa technical vocational schools na nasa ilalim ng pamamahala ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

“Nakasaad kasi sa 2018 proposed budget na nakabinbin sa mababang kapulungan ng kongreso na ang pondo para sa free tuition program ay posibleng hugutin sa mga budget ng mga ahensya ng gobyerno na may scholarship programs, tulad ng CHEd, Department of Science and Technology at Department of Agriculture,” pahayag ni De Vera.

“Sa pagtutulungan ng House of Representatives at ng Senado ay posibleng makahanap ng iba pang posibleng pagmulan ng pondo para sa 2018 National Expenditure Program,” ayon sa CHEd Commissioner.

Magugunitang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing bill na magkakaloob ng libreng matrikula sa mga eskwelahang pinatatakbo ng pamahalaan sa kabila ng suliranin sa pondo ng kanyang economic team.

Sinabi naman ni Davao City Representative Karlo Nograles, House Committee Chairman on Appropriations na may natukoy ng ibang pagkukunan ng pondo ang mga mambabatas na P16B para masuportahan ang libreng pag-aaral sa kolehiyo sa susunod na taon.

Tulad ng pahayag ni De Vera ay sinabi rin ni Congressman Nograles na ang pondo ay maaaring hugutin mula sa scholarship programs ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno.

Samantala siniguro ni Budget Secretary Benjamin Diokno na ang nasabing batas na nilagdaan ng Pangulo kamakailan lamang ay tiyak na mapopondohan.

“Nakalatag na ang lahat ng mga requirements para masiguro na ang mga mahihirap at mga mas karapat-dapat na mga mag-aaral ang dapat na mabigyan ng prayoridad sa free tuition law,” dagdag pa ni De Vera.

“Ang mga high school students ay kinakailangang makapasa sa entrance exams bago sila tanggapin sa mga colleges at universities na may libreng matrikula,” ayon naman kay Diokno.

Dagdag pa dito ay posible din atasan ang mga estudyanteng nakikinabang sa libreng matrikula na makiisa sa mga civic works.

Nilinaw pa ni De Vera na pinaplantsa na ng CHEd, TESDA at DBM ang mga panuntunan o implementing rules and regulations bago pa maipatupad ang nasabing batas.