Ni: Mica Joy O. Simon
Bukod sa “travel goals” ng barkada, siyempre hindi mawawala sa ating bucket list ang “food trip goals.” Sa katunayan, kapansin-pansin na nasa sistema na nating mga Pinoy ang pagtangkilik sa mga café o restawran na swak sa ating panlasa at bulsa. Minsan dahil sa kagustuhan nating mapuntahan ang isang lugar at masubukan ang kanilang signature dish o quencher, hindi natin alintana ang distansya nito. Katulad na lamang ng isang café na matatagpuan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa North Fairview Quezon City na tinatangkilik ngayon ng publiko – ang Christian Café.
Humble Beginnings
Hindi lamang isa, dalawa o tatlo, ngunit apat na ideya ang pinagtagpi-tagpi upang mabuo ang Christian café. Ayon kay Czarleo Gimena, marketing head at isa sa mga owners, ang Christian café ay produkto ng kolaborasyon nilang magkakaibigan.
Kasama niya sa matagumpay na pagtatayo at pag-mamanage ng café sina Loreto Dapon, Jr., Patrick Tan at Nick Gitsis. “We are airline professionals who wanted to share Christian faith through the café,” wika ni Leo patungkol sa kung paano nabuo ang konsepto ng kanilang café.
Marahil iniisip ng iba na para lamang sa mga sagradong Kristiyano ang kanilang café ngunit ayon kay Leo, ang Christian café ay para sa lahat. Mula nang pormal na buksan ang Christian café noong Enero ng nakaraaang taon, patuloy ang pagbibigay nila ng maayos na serbisyo sa kanilang mga parokyano.
Patunay sa tagumpay ng kanilang café ay ang magagandang reviews na kanilang natatanggap. Kadalasan, pinupuri ng mga customer ang kanilang masasarap na pagkain at pagiging cozy ng lugar.
Sa café, ito ang kanilang background music ay mga Christian songs na tiyak ma-eenjoy ng mga magkakaibigan habang kanilang nilalasap ang masasarap na pagkain. Ilan sa mga binabalik-balikan ng mga parokyano ay ang kanilang mga signature pastas na hango sa ilang mga karakter sa Bibliya. Ayon kay Leo, “the price of our food is reasonable and we have generous serving.” Mula sa halagang 130 pesos, matitikman mo na ang kanilang ipinagmamalaking dishes.
Siyempre, hindi mawawala sa kanilang menu ang kape. Nagseserve sila ng mga may latte art na ginagawa ng kanilang barista.
Bukod pa rito, maaaring hiramin at basahin ang mga libro na nakadisplay at tiyak na hindi kayo mahuhuli sa pagkakaroon ng magandang litrato dahil instagrammable ang kanilang café – mula sa interior design, classy chairs, hanggang sa kanilang food presentation.
Pagdating naman sa kanilang serbisyo, hindi mabibigo ang mga tao dahil sa positive vibe ng kanilang server.
Ayon pa kay Leo, “We want them [customers] to feel at home in the café. And when they come here, they are happy, they enjoy talking to their friends, they have very happy memories at mafeel nila yung Christian vibe.”
Sa kasalukuyan, patuloy silang naghahanap ng magandang lugar kung saan nila itatayo ang kauna-unahang branch ng Christian café.
Tips sa Pagtatayo ng Café
Naiisip mo rin bang magkaroon ng sarili mong café? Iyong tatangkilikin ng masa at pag-uusapan dahil sa pagiging kakaiba nito?
Narito ang ilan sa mga bagay na ayon kay Leo ay dapat ikunsidera kung nais magkaroon ng matagumpay na café business.
Pagkakaroon ng puso sa iyong negosyo. Ayon sa kanya, “It’s important that you
love what you are doing because it’s not really working, it’s living life.” Kaya naman siguruhin na ang iyong itatayong negosyo ay produkto ng iyong interes o preference.
Face your Fear. Hindi sa lahat ng pagkakataon, magiging matagumpay ang iyong
negosyo. Kalaunan, may mga darating na suliranin ngunit upang maging matagumpay, kailangan mong harapin ang mga problema nang buong tapang at may paninindigan.
Gumawa ng Strategic Business Plan. Ang pagtatayo ng negosyo ay hindi
eksperimento kung saan ito ay trial and error. Hindi lamang oras ang ilalaan mo para rito, ngunit pati na rin ang iyong salapi, kaalaman at kakayahan. Kaya importanteng pinagplaplanuhan ang lahat upang magkaroon ng maayos na operasyon o management sa hinaharap.
Mahalaga ang Komunikasyon. May business partner ka man o wala, importanteng
makapag-establish ng maayos na komunikasyon sa mga taong may kinalaman sa iyong café. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang hindi pagkakaintindihan at masisiguro mong batid ng bawat isa ang lahat ng nais mong mangyari sa iyong negosyo.
Pumili ng Tamang Lokasyon. Ayon kay Leo, malaki ang maitutulong ng wastong
lokasyon sa paghikayat ng mga parokyano. Aniya, mainam na magtayo ng cafe sa mataong lugar upang mas marami ang makaaalam tungkol sa iyong negosyo. Bukod pa rito, pagtuunan ng pansin ang interior design ng café, ang mga iseserve na pagkain at klase ng service na nais mong iparanas sa mga tao.
I-maximize ang mga social media sites. Ayon kay Leo, napakalaking tulong ng
Facebook sa kanilang negosyo lalung-lalo na sa pag-promote nila ng kanilang café.
Sa panahon ngayon, mahalagang digital-savvy ka pagdating sa negosyo upang mapakinabangan mo nang husto ang mga ito – para na rin sa ikauulad ng iyong negosyo.
Magkaroon ng Pasensya. “In business, if you want to accomplish something in
addition to earning, be patient.” Hindi magiging madali ang lahat kaya dapat handa kang maghintay sa magiging progreso ng iyong café. Ika nga sa isang kasabihan, “good things come to those who wait.”