Ni: Joyce P. Condat
Kilala sa tawag na “Coach Chot” nang pangunahan ni Vincent Reyes ang national basketball team ng ating bansa. Nagawa niyang isalang ang Gilas Pilipinas sa 2013 FIBA Asia Championship hanggang 2014 FIBA World Cup sa loob ng dalawang taon niyang pagiging national team head coach. Pagkatapos mabigo sa 2014 Asian games kontra South Korea, pinalitan si Reyes bilang head coach ng Gilas. Muling panghahawakan ni Coach Chot ang pambansang koponan ngayong taon at haharap muli sa mga naturang torneyo.
Pagtanggap muli sa hamon
“Mahirap talaga talikuran ang iyong bansa,” aniya nang maimbitahan siyang pangunahang muli ang Gilas. Pinagdesisyunan niyang mabuti aniya bago niya tinanggap muli ang hamon sa kanya ni Samahang Basketbol ng Pilipinas executive director Sonny Barrios. Sabi ni Barrios, kailangan nilang bumalik sa dating winning formula na nagpapanalo sa Pilipinas sa FIBA Asia Championship hanggang makapasok sa FIBA World Cup pagkatapos ng matagal na panahon. Tinutukoy nya rito ang pagiging epektibo ni Reyes bilang head coach at si Tab Baldwin bilang team consultant noong 2013.
Kampante naman si Coach Chot na makakamit ng Gilas ang tagumpay sa FIBA Asia Cup ngayong taon.
Uhaw sa Kampeonato
Pursigidong makabalik muli ng FIBA World Cup si Reyes sa 2019. Balak niya ring ihanda ang grupo sa darating na Tokyo Olympics sa 2020. Ayon sa kanya, kailangang manatiling gutom sa pagkapanalo ang mga manlalaro. “We have to keep the low-key attitude and have the hunger in us,” sabi niya matapos manalo sa laban kontra Iraq.
Bagamat malaki ang kumpyansa niya sa kakayahan ng koponan, hindi dapat aniya magpakampante ang Gilas sa sunod-sunod nilang pagkapanalo.
Si Chot sa labas ng court
Biniyayaan pa ng magandang karera sa buhay si Coach Chot. Hinirang na Presidente at CEO ng TV5 Network, Inc. si Coach Chot noong October 3, 2016. Nakatutok ang programa niya sa counter-programming, digital content, at E-sports na tumatarget sa mga mas batang manonood at gamers. Sa ilalim ng counter-programming ay ang pagsasagawa nila ng ‘Tagalized’ version ng US series tulad ng “The Walking Dead”, “Scandal”, at “Flash.” Bukod sa pagiging television executive at head coach, isa ring businessman at public speaker si Chot Reyes.
It runs in the blood
Sadyang nananalaytay na sa dugo ng kanilang pamilya ang pagiging aktibo sa basketball court. Isa sa mga assistant coaches ng Gilas para sa FIBA Asia Cup ang kanyang anak na si Joshua Vincent Reyes. Siya rin ang ama ng dating Ateneo Blue Eagles team captain na si Ice Reyes. Kapatid din niya ang dating PBA player na si John Gilbert “Jun-Jun” Reyes na naglaro sa Pepsi at Alaska.
Coach Chot mula noon hanggang ngayon
“Here’s a player, he gets shot, is in a life or death situation, and the first guy he calls is not his mom, not his dad, not his lola in Cubao, not his best friend. The first guy he calls is his coach,” kwento ni Coach Chot Reyes noong nabaril si Talk ‘N Text player Ali Peek noong 2013. “That story really encapsulates my coaching journey and why I like doing what I’m doing,” dagdag pa niya.
Naging tagapagsanay si Coach Chot ng Talk ‘N Text sa loob ng limang taon. Hindi maikakailang naging malaking bahagi ng bawat manlalaro si Coach Chot sa kanilang buhay.
Bago pa man sumalang sa Gilas Pilipinas, marami na siyang nahasang basketball player sa loob ng 20 taon nyang pagiging PBA coach. Limang beses siyang naging PBA Coach of the Year kaya’t hindi matatawaran ang pagiging bihasa niya sa pagpapalabas ng potensyal sa bawat manlalaro. Mapalad ang bawat manlalarong iniharap nya sa court dahil merong Coach Chot na naniwala sa kanilang kakayahan.