Mahigit kumulang 1.2 milyong nagbibinata at nagdadalaga ang namamatay kada taon sa buong mundo kung saan mabibilang na 3,000 ang average kada araw mula sa mga dahilan na maari namang iwasan ayon sa World Health Organization (WHO).
Ang pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga nasa edad na 10 hanggang 19 na taong gulang ay mula sa aksidente sa mga kalsada na may tinatayang 115,000 na ang namatay at sinusundan naman ng mga may sakit sa respiratory system o yaong may mga impeksyon sa baga at mga sanhi ng sariling pananakit o pagpapakamatay.
Ayon sa pag-aaral, 2/3 sa mga kamatayang ito ay mula sa mga bansa sa timog silangang Asya at sa Africa.
Kung patuloy na susuriin, kung isusulong ang mas pinagandang misyong pangkalusugan, edukasyon at panlipunang pakikibagay, maiiwasan ang pagkamatay ng maraming nagbibinata at nagdadalaga sapagkat nasusuportahan ang kanilang pangangailangan.
Ayon kay Dr. Flavia Bustreo, Asst. Director-General ng WHO, ang mga ‘adolescents’ daw ay ilang dekada nang hindi isinasali sa health plans ng mga bansa.
Aniya, kung magpo-focus raw umano sa mga nagbibinata at nagdadalaga, at bibigyan sila ng kahit maliit na investment sa health care services, hindi lang ito magreresulta ng malusog at malakas sa kanilang paglaki kundi magiging malaking contributor rin ang mga ito upang palakasin ang komunidad at suportahan rin ang susunod na henerasyon.
Ang mahinang diet at kawalan ng ehersisyo umano ay malaking impact rin sa pagbaba at paghina ng kalusugan ng mga nasa adolescent period na kinakailangang pagtuunan talaga ng pansin.