Hindi ko alam kung dapat nating ipagmalaki na ang Pilipinas nalang ang natatanging bansa na walang batas ng diborsyo sa buong mundo. Wala namang kasal sa loob ng Vatican kaya huwag na natin isali ito sa usapan.
Walang naiiba sa panukalang batas na “Dissolution of Marriage” ni Speaker Pantaleon Alvarez at ang batas ng diborsyo dahil parehong pahihintulutan ang tuluyan na paghihiwalay ng mag-asawa.
Kung ang pananaw ng mundo ang gagamitin natin na sukatan, oo, hindi lamang marapat kundi makatarungan pa na bigyan ng daan na makalaya ang dalawang partido sa “nakasakal” nilang kasal, lalo na kung ang dahilan ay pisikal o psychological na pang-aabuso ang idadahilang rason upang makipag-hiwalay. Kung wala nang kasiyahan sa piling ng isa’t isa ang mag-asawa, o kung ang isyu sa pagitan nila ay pangangalunya, o tinatawag na “irreconcilable differences”, ano pa ang dahilan para patagalin pa ang kasal? Tapusin na ang paghihirap para, ika nga, maka “move-on” at magkaroon ng panibagong panimula.
Ngunit, sa isang panig, maaaring isang konseptong burgis itong dissolution of marriage o ang diborsyo. Hindi mapagkakaila na kung maghiwalay ang isang mag-asawa, sa babae maiiwan ang mga anak; kung ang pamilya ay mahirap at kung iresponsable ang ama, maaaring ang pagpapalaki ng mga anak ay papasanin ng buo ng ina. Kahit pa sasabihin ng batas na kailangan magbigay ng sustento ang asawang lalaki, eh kung wala namang ibibigay, ano ang magagawa ng babae?
Ang pamilya ang pangunahing yunit ng isang lipunan—kaya kung sisirain ang pamilya, tila sinisira natin ang pinakapundasyon ng ating lipunan. Marami itong implikasyon at kaaakibat na suliranin sa kalaunan. May 71% divorce rate ang bansang Belgium, ganito ba ang gusto natin mangyari sa ating lipunan?
At siyempre, sa anumang paghihiwalayan ng mag-asawa, ang mga anak ang naaapektuhan. Sa kabilang banda naman, labis din na naaapektuhan ang isang bata kapag lagi niyang nakikita o naririnig na nag-aaway ang kanyang mga magulang. Kaya walang panalo sa diborsyo o sa dissolution of marriage.
Tama ang komento ng isang kilalang election lawyer sa sitwasyon ng mag-asawang si Andres Bautista, chairman ng COMELEC at asawa nitong si Patricia Cruz-Bautista na kasalukuyang nasa gitna ng mapait na bangayan na hayag sa publiko. Anang election lawyer, na ang Diyos ang kulang sa relasyon ng mag-asawang Bautista.
Lubhang totoo ito, dahil may katotohanan ang kasabihang “A family that prays together, stays together.”
Labag sa pagtuturo ng Bibilia ang diborsyo. Kung ang espiritu ng Panginoon ay presente sa buhay ng isang pamilya, malayong mauuwi sa hiwalayan ang anumang problema ng isang mag-asawa, gaano man ito kalaki. Maaayos ito kung may pananalig sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga batas.
Kayang-kayang ibalik ng Amang Makapangyarihan ang maayos na relasyon sa pagitan ng mag-asawa at ng buong pamilya. Ngunit nakalulungkot na maliit lamang na porsyento ng mga pamilya, kahit sa isang bansang Katoliko katulad ng Pilipinas, ay may tunay na buhay espirituwal.
Kaya hindi madaling desisyon ang gagawin ng ating mga mambabatas hinggil sa panukalang ito. Hindi man ito isang priority bill, ngunit marapat din itong bigyan ng pansin ng pamahalaan dahil maraming mga tunay na nagtitiis, lalong-lalo na ang mga asawang babae, sa mga kalagayang mapanganib na rin sa kanilang buhay pisikal at pangkaisipan.