SINO nga ba ang di nakakaalam sa Divisoria na tinaguriang “Paraiso ng Tawaran at Pakyawan”? Dito maaari kang makipagtawaran upang mabili ang iba’t ibang bagay na higit na mura kaysa doon sa mga sikat na shopping mall. Kung pakyawan o wholesale naman ang gusto, Divisoria din ang dapat mong puntahan.
Damit, sapatos, gamit sa kusina, mga prutas, muwebles, gamit sa bahay, sari-saring pagkain, gamit pang-eskwela, at kung anu-anong kalakal ang makikita at mabibili sa mga kalye at iskinitang bumubuo sa sikat na pamilihang ito.
Sadyang sikat ang Divisoria lalo na tuwing Abril at Mayo kung kalian namimili at naghahanda ang marami para sa taunang pasukan sa eskwela tuwing Hunyo. Siyempre, tuwing panahon ng kapaskuhan o Disyembere, dagsa rin ang madla sa Divisoria para sa “Christmas Shopping.” Sa katotohanan, ngayon pa lang, marami na ang namimili ng mga panregalo.
Kaya kung nais mong makatipid, basahin mo ang mga suhestiyon sa artikulong ito. Kung may mga bagay kang nais na mabili ngunit di mo alam saan ito makikita, tapusin mo ang artikulong ito hanggang sa huli.
Saan Nagmula ang ‘Divisoria’
Pero saan nga ba nanggaling ang salitang ‘Divisoria’?
Ang salitang ‘Divisoria’ ay hango sa wikang Espanyol na ang kahulugan ay isang “dibisyon” (divider, dividing wall sa Ingles). Ayon sa mga eksperto, ito ay tumutukoy sa mga pagkakahati ng lumang Maynila na nakapaloob sa Intramuros noong Panahon ng Espanyol o Spanish Colonial Period at sa mga distrito sa labas nasabing siyudad.
Noong unang panahon, hindi tanggap at ipinagbabawal na manirahan ang mga Tsino sa loob ng Intramuros. Pawang mayayamang Espanyol at mga Pilipinong naka-aangat sa buhay lamang ang may pahintulot na manirahan sa loob ng Intramuros na pinaliligiran ng matitibay na pader o dividing wall.
Sa kalaunan, nagsimulang manirahan at magnegosyo ang mga Tsino sa labas ng Intramuros, particular sa lugar ng Binondo hanggang sa kasalukuyang Divisoria. Dahil malapit sa pier ng Maynila kung saan ibinabagsak ang mga kalakal mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ng mundo, naging stratehikong pook ang Divisoria para sa mga negosyante at mamimili.
Ayon naman sa iba, ang Divisoria din ay tumutukoy sa terminong pang-heograpiya kung saan nagsisilbing “dividing line” ang mga estero at ilog na gumuguhit sa Maynila patungo sa baybayin nito na ngayo’y kilala bilang ‘Manila Bay’.
Pero ang talagang importanteng malaman, anu-ano nga ba ang mabibili sa Divisoria?
Kalye Soler at Roman
Pumunta sa Soler St. at Roman St. kung nais mo ng iba’t ibang klase ng kasangkapang bahay tulad ng plastic ware (mga plato, platito, baso, atbp.), “kutchon” o “bed foam”, punda sa unan, at pati na rin mga tsinelas.
Kalye Juan Luna
Sa Juan Luna St. naman ang puntahan ng mga naghahanap ng wholesale t-shirts lalo na yung ginagamit para sa maramihang pag-iimprenta ng uniporme. Mayroon ding mga sando, medyas, damit-panloob, at maging sari-saring trapal, bag na panlakbay at pamasok sa eskwela, at mga payong sa kahabaan ng kalyeng ito. Mayroon ding mga gamit pang-negosyo dito gaya ng mga plastic at Styro cups, mga gamit sa baking o paggawa ng tinapay at keyk, mga tarpaulin o linoleum.
Kalye Tabora
Ang Tabora St. ay isa sa pinakasikat na kalye sa Divisoria dahil dito makakabili ng murang-murang mga damit pangkasal, ‘wedding souvenirs’, mascara, abaloryo (beads) at iba’t ibang mga ‘costume’. Halimbawa, dito ka makakabili ng ‘wedding souvenir’ na halagang P15 lamang bawat isa, bagama’t presyong wholesale ito. Dito rin ang puntahan ng mga taong naghahanap ng mga dekorasyong pamasko, mga pekeng perlas (faux pearls), mga kadena o chain, at mga butones.
Sa daan, may makikita ka ring mga lumang istilong plantsa na gumagamit ng uling (charcoal-fired iron) sa halagang P250 at mga tadtarang kahoy (wooded chopping boards) na P50 lamang bawat isa.
Kalye Ylaya
Ang hanap mo ba ay tela? Halina na sa Kalye Yllaya. Dito matatagpuan ang sandamakmak na uri ng tela magmula sa cotton hanggang sa sutla (silk). Makakabili ka rito ng tela na halagang P20 bawat yarda subalit nagbabago ang presyo nito depende sa dami, haba, o uri.
Kalye Planas at Felipe II
Takbo na sa Planas at Felipe II para makabili ng murang prutas.
Ilan lamang ang mga kalyeng ito sa napalawak na pamilihan sa loob ng Divisoria. Higit mong makikilala ang lugar na ito kung ikaw mismo ang magpunta at sumubok na makipaghuntahan sa mga nagbebenta ng kung anu-ano sa mga kalye doon.
Pero sa totoo lang, sadyang masikip, matao, mainit, at maputik (lalo na tuwing tag-ulan) sa Divisoria. Kaya’t marami na rin ang tumatangkilik sa 168 Mall, Tutuban Mall, at ang mas modernong Lucky Chinatown Mall kung saan mabibili rin ang mga nabanggit na kalakal sa isang “airconditioned” at mas maaliwalas na lugar.
Malaki man o maliit ang budget, tiyak na kagigiliwan mo ang Divisoria sa dami at samu’t saring nitong mga paninda. Tandaan lamang: galingan sa pagtawad nang maraming mabili at mapahaba mo ang iyong pisi.