PINAS

‘Driverless cars’, sinubukan ng Ford at Domino Pizza

Ni: Ma. Leriecka Endico

Sa kolaborasyon ng Ford at Domino Pizza, sinubukan na ang ‘self-driving cars’ sa paghahatid ng pizza sa bahay ng mga customer. Isinagawa lamang ang test na ito sa bayan ng Ann Arbor sa Michigan at may pahintulot ng mga residenteng nais makilahok.

Pangunahing layunin ng naturang test ang malaman kung ano ang magiging reaksyon ng mga tao sa bagong konsepto ng mga sasakyang walang nagmamaneho.

Kabilang sa kotseng gagamitin sa test ang Ford Fusion Hybrid Autonomous Cars na mayroong oven sa likod, na mabubuksan gamit ang paglalagay ng tamang numerical code sa ‘touchpad’.

Bagama’t magkakaroon pa rin ng drayber sa loob ng kotseng maghahatid ng pizza na siyang mag-momonitor sa mga pangyayari.

Pinaalalahanang huwag makipag-usap ang mga residenteng sumali at ang drayber sa isa’t-isa. Nais makita ng dalawang kumpanya kung ano ang magiging reaksyon at epekto ng ‘built in pizza ATM’ sa kotse.

“How will customers react to coming outside to get their food? We need to make sure the interface is clear and simple.” sabi ni Russell Weiner, presidente ng Domino Pizza.

Samantala, ayon sa mga ekperto, ‘delivery services’ ang magiging pangunahing industriya na makakagamit ng mga sasakyang walang nagmamaneho.