Nakahanap ng kakampi si Customs commissioner Nicanor Faeldon sa katauhan ni Federation of Philippine Industries chairman Jesus “Jess” Arranza sa kabila ng mga panawagang magbitiw ito sa pwesto.
Sa isang forum sa Maynila, lumalabas na suportado ni Arranza si Faeldon matapos niya itong makausap ng personal.
Bagamat aminado si Arranza na may korapsyon talaga si BOC, naniniwala itong napalusutan lamang si Faeldon ng mga korap na opisyal ng ahensya kung kaya nakalusot ang P6.4-B na halaga ng droga sa kanila.
Ugali na rin aniya sa BOC ang korapsyon at matagal nang nangyayari ang ganitong kalakaran simula pa noong mga nagdaang administrasyon.
Matatandaang inamin mismo ni Pangulong Duterte na 3 beses ng nagpadala ng courtesy resignation si Faeldon sa kanya subalit hindi niya ito inaaksyunan.
Kamakailan din ay lumakas ang panawagan na magresign nalamang si Faeldon, at isa rito si House Speaker Pantaleon Alvarez.
Sa susunod na linggo ay inaasahan ang pagpapatuloy sa hearing ng Senate blue ribbon committee para mapanagot kung sino ang nagkulang kung bakit nakalusot ang bilyon-bilyong halaga ng shabu sa Customs.