NI: Ma. Leriecka Endico
Sa nakalipas na ilang taon, usap-usapan ang konsepto ng folding gadgets mula sa iba’t ibang kumpanya ng smartphones at iba pang gadgets.
Enero nitong taon, ayon sa ulat ng Engadget, nagpaplano ang Samsung at LG na maglunsad ng natitiklop na smartphones ngayong taon.
Ang minsang ideya lang noon ay unti-unti nang nagiging totoo ngayon matapos itampok kamakailan sa Lenovo Tech World 2017 sa Shanghai, China ang “Lenovo Folio”, isang natitiklop na tablet.
Mayroon itong 1,920 x 1,440 resolution at 7.8-inch display na maaaring tiklupin hanggang sa sukat ng 5.5-inch smartphone at mayroong back-to-back na screens. Ito rin ay mayroong Android 7.0 Nougat operating system at Snapdragon 800 processor.
Samantala, ang gadget na ito ay isa lamang katanuyan ng panibagong konsepto at nasa proseso pa rin ng pag-aaral, kaya hindi pa rin ito opisyal na mailulunsad ng mga kumpanya sa mga konsumer.
Sa kabilang banda, ang Samsung at LG naman ay usap-usapang maglulunsad ng natitiklop na smartphones sa ikatlo o ika-apat na kuwarter ng taon habang plano rin ng Samsung maglunsad ng 100,000 units sa oras na maging opisyal ang konseptong ito.
“The final decision will be made after the personnel reshuffle of the company’s information technology and mobile communications unit is carried out” ayon sa Korea Herald.