Ni: Chelsi Mae Benico
Maraming nagsasabing ang pag-ehersisyo ay mahalaga sa pagpapabuti ng ating kalusugan—tama nga naman, at isa na riyan ay ang pagbibisikleta.
Ang pagbibisikleta ay isang paraan para maiwasan ang iba’t ibang klase ng karamdaman dahil isa ito sa epektibong ehersisyong nakapagpapanatili ng ating magandang kalusugan, bukod sa nakatulong ka na sa ating kalikasan. Hindi lamang mabuting kalusugan ang hatid nito, marami pang benepisyong nagagawa ang pagbibisikleta at ito ay ang mga sumusunod:
Napapanatili ang magandang pigura at malusog na pangangatawan
Dahil sa nangangailangan ng sapat na lakas ang pagbibisikleta, ang mga tabang naipon sa ating katawan ay naisasalin bilang pawis na kailangang ilabas ng ating katawan. Pakatandaan natin na mainam uminom ng 8 hanggang 10 baso ng tubig upang mapalitan ang pawis na nailabas ng katawan.
Dagdag pa nito ay nagdudulot ang pagbibisikleta sa katawan ng tao ng good flexibility, muscular strength, muscular endurance, cardio-respiratory endurance, good body composition and coordination, agility, balance, power at good reaction time.
Pagbibisikleta bilang Isport
Ang pagbibisikleta ay hindi lamang isang simpleng ehersisyo para sa iba, itinuturing na rin ito bilang isang isport. Kaya naman marami ang nahuhumaling na makilahok sa mga torneo at iba pang okasyon na mayroong pagkakataong makapagbisikleta tulad ng bike-for-a-cause. Sa katunayan, ang pagbibisikleta ay kabilang sa sikat na isport ngayon tulad ng Triathlon, isang isport na kinapapalooban ng pagtakbo, pagbibisikleta at paglangoy. Kaya naman kung mahilig ka sa mga isport, marahil ang pagbibisikleta ay para sa iyo.
Pagbibisikleta bilang tulong sa kalikasan
Alam naman nating malala na ang kinakaharap ngayon ng ating kalikasan partikular na sa malawakang pag-init ng mundo dulot ng ‘global warming’. Upang masolusyunan at makatulong tayo sa paglutas ng problemang ito, pinapayuhang gumamit na lamang ng bisikleta bilang transportasyon sa iyong malapit na paroroonan—nakatulong ka na sa kalikasan, napabuti mo pa ang iyong kalusugan.
Pakikipagkaibigan
Isa kang matatawag na ‘sporty’ kung sa mga isport na sinasalihan mo ay nakabubuo ka ng magandang relasyon sa iyong mga kakumpitensiya o kapwa kalahok sa pagbibisikleta. Maganda rin itong pamamaraan upang ang iyong kakayanan sa pakikisalamuha sa ibang tao at pakikipagkaibigan ay mahasa.