Kapag nahaharap tayo sa mga sitwasyong wala tayong kontrol, dalangin ang tangi nating masasandalan.
Naging bali-balita kamakailan lamang ang pagmamalupit ng isang Hong Kong employer sa kanyang domestic helper (DH) dahil lang sa pagbubukas ng nasabing DH ng aircon sa kanyang kwarto nang walang paalam. Itinawag ng employer ang kasambahay na “sobrang mapangahas” at sinabi pang tatanggalin ang ‘switch’ ng aircon para hindi ito magamit, kahit na humihigit na sa 30 degrees Celsius ang init doon ngayon.
Bagama’t hindi binanggit kung ano ang lahi ng nasabing domestic employee, hindi malayong Pilipina ito dahil tinatalang 48% ng mga household employee sa Hong Kong ay mula sa Pilipinas, o humigit kumulang sa 175,000 ang ating mga kababayang kababaihan ang nagtatrabaho bilang DH sa nasabing lungsod.
Bagama’t marami sa kanila ang itinatrato nang mabuti sa Hong Kong, hindi maitatanggi na marami rin ang hindi. Ayon pa sa mga kababayan nating OFW doon, masuwerte kung mabait ang amo; malas kung ito ay walang habag, malupit, at maramot.
Isang simpleng halimbawa ng kawalan ng dangal kung mamalasin sa employer ang naging viral kamakailan sa sinapit ng kasambahay na gumamit ng aircon, ngunit hindi mabilang ang mas malala pang mga situwasyon kung saan ang iba sa kanila ay higit na minamaltrato, sinasaktan, inaalipusta, hindi binabayaran nang sapat, itinuturing na parang hayop, o isang pag-aari at hindi tao.
Ayon sa survey na ginawa ng Mission for Migrant Workers sa Hong Kong, 58% umano ng mga DH ay nakararanas ng “verbal abuse”, 18% naman ng “physical abuse”, 6% ng “sexual abuse” sa kanilang mga employer, at 17% naman ang maituturing na “forced labor.”
Ang malala pa, bagama’t alam ito ng pamahalaan ng Hong Kong, mabagal ang pagtugon nito sa problema. Kilalang-kilala ang pamahalan ng syudad na ‘walang interes’ na lutasin ang problema ng “modern slavery” at karahasan sa mga foreign domestic helper, kabilang dito ang pulis at mga government at consular offices nito.
Pero may papel din ang pamahalaan ng Pilipinas kung nalalagay sa kalagayang kapos sa depensa at walang proteksyon ang mga kababayan nating DH doon dahil unang-una, bago ito makipagsundo sa anumang bansa hinggil sa eksportasyon ng mangggagawa nating mga Pilipino, ay dapat sinisiguro nito na pabor ang mga ‘terms of contract’ para sa kanila.
Sa Hong Kong, mapipilitang tumira ang isang DH sa bahay ng amo dahil mayroon “live-in rule” ang lungsod para sa mga foreign domestic helper, isang batas na bukas sa maraming uri ng pang-aabuso, kabilang ang sobrang haba ng oras ng trabaho at walang day-off.
Mayroon din itong “2-week rule” kung saan kailangan makaalis na ng Hong Kong ang isang DH na nawalan ng trabaho, isa ring batas na nagiging dahilan kung bakit natatakot ang isang DH na umalis sa isang among abusado.
Binuksan ngayon ng mainland China ang kanilang pintuan para sa 10,000 na mga domestic helper. Nawa’y mas may kapangyarihan ang ating mga OFW na magtatrabaho doon kaysa sa mga nasa Hong Kong; at nawa’y mas may ngipin ang ating konsulado upang bantayan at ipaglaban ang karapatang pantao ng ating mga DH at ipapanagot ang mga among mapagsamantala.