Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ang pagka-kaaresto sa isang prison guard ng New Bilibid Prison matapos itong makuhanan ng plastic sachet ng hinihinalang shabu kaninang umaga.
Nakilala ang naturang prison guard na si Ernesto Dionglay, Jr., na sumalang sa body searching ng mga tauhan ng PNP-Special Action Force (PNP-SAF) na nakuhanan ng 100 gramo ng hinihinalang shabu.
Kasama si Dionglay, Jr. sa mga kawani ng NBP na ininspeksyon ng PNP-SAF sa gate ng maximum security compound ng Bilibid kaninang alas-nuebe ng umaga.
Pansamantalang nakadetine na ang nasabing prison guard sa Muntinlupa na mahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9165 o illegal possession ng droga.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, iniutos na niya sa NBP na tutukang mabuti ang kaso ni Dionglay, imbestigahan itong mabuti at sampahan ng kaukulang kaso.