Ni: Ma. Leriecka Endico
Katulad ng maraming normal na bata sa mundo, marami ring batang may kapansanan na nagnanais na makatamasa ng isang masayang bakasyon tuwing tag-init. Hindi mawawala ang swimming o pagtatampisaw sa mga water parks sa mga aktibidad na madalas nating gawin sa ilalim ng tirik na araw. Subalit hindi lahat ngswimming pool at water parks ay akma sa lahat ng batang gusting maglaro sa tubig tulad ng mga batang may espesyal na kondisyon.
Isang magandang balita ang hatid ng Morgan Inspiration Island na nagbukas ng water park para sa mga batang may kapansanan. Ang proyektong ito ay opisyal na binuksan noong Hulyo 17 sa San Antonio, Texas at ang kauna-unahang water park sa mundo na eksklusibong dinisenyo para sa mga batang may espesyal na kondisyon. Ang buong bahagi ng park ay may iba’t-ibang water games at pools na puwede ang wheelchair kung saan makakapaglaro ng ligtas ang mga bata.
Ngunit hindi lang doon natatapos, bukas din ito sa lahat ng taong may kapansanan dahil wala itong age limit. Best part? ito ay libre! Bagamat may ilang water parks nang naitayo sa ilang bahagi ng mundo, hindi ito tulad ng Morgan Inspiration Island na hindi limitado ang pools at palaruan.
Ang Waterland Morgan Inspiration Island ay may anim na pangunahing rides, ang wheelchair-adapted flow ride, water cannons, rain showers at iba pa.
Binibigyan din nila ang mga bata ng waterproof bracelet na may GPS upang madali silang maasikaso at masundan ng mga magulang at volunteers ng park. Mayroon din silang pribado at tahimik na lugar para sa mga batang sensitibo sa maraming tao at ingay. Tiyak na malinis din ang tubig na ginagamit ng park dahil ito ay dumadaan sa systematic water filtration para sa buong park. Sinisigurado ng waterpark ang seguridad at kaligtasan ng mga bisita upang masulit nila ang paglalaro at pagtatampisaw sa tubig kasama ng kapwa nila bata na may parehong kondisyon.
Ang proyektong ito ay katunayan na may pagkakataon din ang mga bata o taong may kapansanan na maranasan ang mga bagay tulad ng water parks na may espesyal na disensyo para sa kanila. Patunay ito na hindi limitado ang ating mundo say may mga normal na pangangatawan, bagkus gumagawa ng paraan para lahat ay masiyahan.