Ni: Maynard Delfin
Habang puspusan si Pres. Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng marahas at seryosong pagsugpo ng ilegal na droga sa bansa, isang groundbreaking na panukala ang nakabinbin sa Kongreso upang gawing legal ang paggamit ng medical marijuana.
Hindi dapat ipagwalang-bahala ang usaping ito lalo na’t buhay ang nakasalalay kung sakaling maging batas ang paggamit ng medical marijuana.
Libu-libo man ang namatay na sa digmaan sa droga subalit ang House Bill No. 180 o ang Philippine Compassionate Medical Cannabis Act ay patuloy na sinususugan sa Kongreso na maisabatas.
Inaasahan ang panukalang ito na mapabuti kung hindi man ay madugtungan pa ang buhay ng mga taong umaasa sa marijuana bilang lunas sa kanilang paghihirap. Nakadetalye sa House Bill 180 kung sino ang kwalipikadong gumamit ng medical marijiuana at kung papaano ito maaaring gamitin.
Nakapaloob din dito kung sino ang mga lisensyandong doktor na mamamahala ng pagbibigay nito sa mga pasyente na dapat ay may ID card, mga taong katulong sa pagpapalaganap at pagpapatupad ng mga programa at maging ang lugar o center ng distribusyon.
Benepisyong medikal
Para kay Rep. Seth Jalosjos, isa sa mga nagmungkahi sa panukalang-batas na legalisayon ng paggamit ng medical marijuana, ito ay magdudulot ng malaking kapakinabangan sa maraming pasyente na nagdurusa sa mga malubhang karamdaman.
“I have high hopes under the Duterte administration that this measure would be enacted into law. Finally, there is hope for our people, especially our children, who suffer from medical conditions like epilepsy, cancer and multiple sclerosis,” sabi ni Jalosjos sa isang panayam.
Inamin ng dating alkalde ng Davao na si Pres. Duterte na malaki ang maitutulong ng cannabis kung magagamit ito sa medisina, subalit lubos niya itong tinututulan kung gagamitin ito bilang recreational drug.
Aniya , “If you just smoke it like a cigarette, I will not allow it, ever. It remains to be a prohibited item and there’s always a threat of being arrested. If you choose to fight the law enforcement agency, you die.”
“Medicinal marijuana, yes, because it is really an ingredient of modern medicine now. There are drugs right now being developed or already in the market that (have) marijuana as a component,” dagdag pa ni Pres. Duterte.
Posibleng pagpasa sa panukala
Ayon kay Isabela Rep. Rodito T. Albano III, ang pangunahing may-akda ng panukala, kasalukuyang sinusuri ng technical working group ang pagpasa sa panukala tungkol sa usaping medical marijuana. Bagaman marami ang sumasalungat sa panukalang ito, buo ang loob ni Albano sa pagtutulak nito sa Kongreso.
Nakasaad sa isang probisyon ng naturang panukala, sa Seksiyon 2, Talata 2, pangalawang pangungusap, na hindi lubos na tinututulan ang paggamit ng itinuturing na dangerous drugs:
“The government shall, however, aim to achieve a balance in the national drug control program so that people with legitimate medical needs are not prevented from being treated with adequate amounts of appropriate medications, which include the use of dangerous drugs.”
Nang tanungin si Albano kung may time frame ba siyang sinusundan sa pagpasa ng panukala, nabanggit niya na tatalakayin pa ang isyung ito kay Speaker Pantaleon Alvarez.
Pagtulong sa may malubhang sakit
Pinaniniwalaan na ang mga pasyenteng may malubhang karamdaman na makikinabang sa panukalang ito ay ang may autism, epilepsy, arthritis, cancer, at neurological disorders.
Wala man opisyal na istatistika, ngunit tinatantya ng mga pribadong grupo na may mahigit na isang milyong Pilipino ang may autism at higit sa 500,000 ang may epilepsy.
Batay sa pag-aaral ng University of the Philippines-Institute of Human Genetics, National Institutes of Health, may 189 sa 100,000 na Pilipino ang may kanser, habang apat na Pilipino ang namamatay sa kanser kada oras.
Patuloy na debate sa medical marijuana
Simula pa noong 2014, isinusulong na sa Kongreso ang usaping legalisasyong ng medical marijuana subalit ito’y naharang at namatay.
Nang maluklok si Pres. Duterte sa Malacañang kasabay ng kanyang ‘war on drugs’ na nagdulot ng 8,000 pagkakapatay sa mga sinasabing mga nanlaban na adik at pusher sa kapulisan, muling binuhay ang panukala nitong Marso at patuloy na dinidinig ang iba’t ibang panig tungkol sa isyu.
Kung maging batas ang panukala, ito ay magiging makasaysayan. Ang Pilipinas ang magiging pinaka-unang bansa sa Timog-Silangang Asya na gagawing ligal ang paggamit ng marijuana sa medikal na pamamaraan.
Kung matatandaan, malaki ang suporta ni Pres. Duterte sa panukala kahit noong 2016 campaign.
Sabi niya, “It’s effective. I will not deprive Filipinos of the benefits of medicinal marijuana, but I must have a clear definition of what it is and it must be approved by the Food and Drug Administration (FDA) in the Philippines.”
Nabuhayan ng loob si Kimmi del Prado, ang founder ng Philippine Cannabis Compassion Society (PCCS) sa positibong pagtanggap ni Pres. Duterte sa medical marijuana. Si Del Prado ang nagpasimula sa pangangalampag para sa legalisasyon ng medical marijuana simula pa noong 2013. Ito ay pagkatapos mamatay ni Moon Jaden Lugtu-Yutuc, isang 20-buwang gulang na sanggol na naghirap mula sa isang kakaibang uri ng epilepsy.
Mula sa pangyayaring ito nagsimula ang ideya na gawing ligal ang paggamit ng medical marijuana na naging malawakang isyu.
Naniniwala ang mga magulang ni Lugtu-Yutuc na maaaring makatulong ang cannabis upang matugunan ang matinding spasms ng kanilang anak at nadugtungan sana ang kanyang buhay.