Ipinatatawag ni senador Antonio Trillanes IV ang isang konsehal ng Davao City para dumalo sa pagdinig kaugnay ng P6.4 bilyong shabu shipment mula China.
Sumulat si trillanes sa senate blue ribbon committee para ipa-subpoena si Davao City Councilor Nilo “Small” Abellera para sa pagdinig sa susunod na Martes.
Pinapa-subpoena rin ng senador si Hernani Co, ang hepe ng Auction division ng Bureau of Customs (BOC) at si Lourdes Rosario ng BOC imports and assessment section.
Matatandaang pinangalanan ng customs fixer at broker na si Mark Taguba ang isang Small, Jack at Tita Nanie na bahagi umano ng ‘Davao Group’ na sangkot sa smuggling.
Ani Trillanes, si Small ay si Abellera habang si Tita Nanie ay isang Lourdes.
Pero sa nauna nang pagdinig ay tinukoy si Co bilang tita nanie.
Dagdag pa ng senador, malapit ang konsehal kay Davao City Vice Mayor Paolo Duterte – anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nabanggit na rin ni Taguba ang batang Duterte sa naging pagdinig ng kamara pero sinabi nitong ‘hearsay’ lamang ang pagkakasangkot sa bise alkalde.