Ni: D. Bellosillo
Walang puwang ang corrupt kay Digong
HINDI kukunsitihing manalasa ang sinumang mapapatunayang tiwali sa mga itinalagang katuwang ng Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kanyang administrasyon.
“Let the dismissal of several high-ranking officials whom I myself appointed serve as a warning to all that I will never back down on my commitment to cleanse this government,” matatandaang pahayag ni Pangulong Duterte sa nagdaang State of the Nation Address (SONA).
Maliban pa sa patuloy na pagmanman ng Palasyo ng sa iba pang sangay ng pamahalaan, nananatiling nakamatyag ang Malakanyang kaugnay ng mainit na cusapin sa Bureau of Custom (BOC) kung saan ang kalihim dito ay personal na pinili ng pangulo.
Si Customs Commissioner Nicanor Faeldon ay itinalaga ni Duterte bilang kalihim ng BOC, na kung saan sa ilalim ng pamunuan nito ay nangyari at nadiskubre ang pagkakapuslit ng ipinagbawal na drogang shabu mula sa China.
Kabilang sa mga isyung iniimbestigahan ngayon ng senado hinggil sa naturang isyu ay kung sinu-sino ang mga tiwaling personalidad na umano’y nagsabwatan sa likod nito.
Maliban sa kontrobersiyal na tanggapan ng BOC, base sa ipinalabas na report nitong nagdaang buwan ng Marso, umaabot na sa 92 bilang ng mga kawani ng gobyerno ang sinibak sa salang katiwalian.
Ilan sa kabilang sa talaan ng mga nasampulan dahil sa maling gawain ay ang Land Transportation Franchising and Regulation Board (LTFRB), Energy Regulatory Commission (ERC), Land Transportation Office (LTO), at iba pa.
Mga Kawaning Nasubukan
“Any whiff of corruption, particularly those who serve at the pleasure of the President, means suspension or termination of service in government,” pahayag naman ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.
Una nang nawala sa puwesto matapos ang pagtatalaga ng pangulo ay si Ismael “Mike” Sueno, kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang alegasyon laban kay Sueno ay pinadaan sa pamamagitan ng liham na ipinaabot sa Pangulo mula sa MRRD-NECC , o Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee. Sinasabing nagmamay-ari umano si Sueno ng hotel sa South Cotabato, “trucking business” , at sinasabing kumukubra sa iligal na pasugal, na mariin namang itinanggi ng una saka itinurong may pakana ng alegasyon ay ang tatlo nitong undersecretaries.
“Due to loss of trust and confidence” ani Abella ang udyok na sibakin si Sueno nitong nakaraang Abril 3, 2017, pagkatapos ng pagpupulong ng mga gabinete.
Gayundin si Peter Laviña na hepe noon ng National Irrigation Administration (NIA), ay sinibak nitong Pebrero ng taon. Siya ang campaign spokesman noon sa kandidatura ni Digong, na inalis makaraang makipagpulong ang Pangulo sa grupo ng mga NIA directors sa Panacan at nakalap ang impormasyong tumatanggap umano ng 40% komisyon kada proyekto ng kawanihan. Mariin din niyang pinabulaanan ang akusasyon at sinabi nalang na kusa siyang magbibitiw.
Gayundin sina Al Argosino at Michael Robles, pawang mga Immigration Deputy Commissioners na sinibak kasunod ng rekomendasyon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa isyung pangingikil mula sa gaming tycoon na si Jack Lam.
Ang rekomedasyon ni Aguirre ay kasunod ng pagkakadiskubre sa CCTV footage ng pagtanggap sa halagang P50 milyon mula sa retiradong PNP general na si Wally Sombero. Giit ni Sombero na ang naturang salapi ay para sa pagpapalaya ng mga Tsinong manggagawa sa Fontana Leisure Parks and Casino.
Inis naman ang lalong nagtulak kay Pangulong Duterte para tuluyang sibakin si undersecretary Maia Chiara Halmen Valdez ng Office of the Cabinet Secretary, hinggil sa isyu naman ng rice importation ng National Food Authority (NFA). Matatandaang noong unang SONA ng Pangulo, nangako ito na “101 percent” niyang lilinisin ang gobyerno sa ilalim ng kanyang pamamahala. Sa kasalukuyan ay hinikayat nito ang publiko na i-report ang sinumang tiwali at hindi nagtatrabaho nang tama sa kanilang tungkulin bilang kawani ng pamahalaan, sa ginanap na Davao Investment Conference 2017 sa Davao City nuong Hulyo 21, 2017.
Patas na Pagtingin?
Bagaman, ilan na sa kanyang mga itinalagang opisyal ang pinasibak ng pangulo kaugnay ng kanyang kampanya laban sa graft and corruption, patuloy na tumatanggap ng samu’t saring pagtuligsa si Duterte dahil sa sinasabing mga napapaboran na umano’y tiwaling kawani ng gobyerno, na pinaniniwalaang indikasyon ng patuloy na kurapsyon sa bansa.
Si Faeldon na appointee ng Presidente ay kabilang sa Oakwood mutiny sa administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2003. Siya ay itinalaga ni Duterte bilang custom commissioner, na habang isinasailalim sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee ay pinagbibitiw naman ng ilang mambabatas. Ngayon nakatutok ang madla sa magiging desisyon ng pangulo kay Faeldon.
Maliban kay Faeldon at sa ilang mga indibiduwal sa loob ng BOC, kasamang pinangalanan din sa kontorbersiya si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, anak ng Pangulo.
“If my son was really into it or is in there, all you have to do is to produce the paper,” pahayag naman ng pangulo, “just give me an affidavit and I will step down as President of this republic. That is my commitment to you now. That is my word”.
Ilan din sa nananatiling nakapuwesto bagaman nasangkot sa mga usapin ng anomalya ay sina Tourism Promotions Board (TPB) head Cesar Montano sa kabila ng isyung corruption at mismanagement na iniumang ng mga empleyado ng TPB. Sa kabila ng liham na ipinarating sa Presidential Action Center (PACE) sa mga iregularidad na ginawaga ni Montano ay pinaboran pa ng pangulo ang nasabing aktor.
Maging si Tourism Secretary Wanda Teo na nasasangkot sa blind item at tumanggi naman sa akusasyon, ay nananatiling nasa posisyon.
Gobyernong Matino
Hinahangad ngayon ni Duterte ang pasimulan ang isang bagong gobyerno na walang bahid ng katiwalian.
“I would like to destroy government itself. If I had my way, I would and reinvent something more than just not the powers. We can have less powers but more efficient organization,” sa isang forum na ginanap sa Davao City.
Aniya, “if there’s an ideal setup that we can follow, I’d be glad to destroy government and put in place something of a bureaucratic authority that would move by itself automatically without the need of an authority there and an authority here.”