PINAS

Lacson, binuweltahan ni Faeldon; tinawag na smuggler

Ni: MJ Mondejar

Nagpupuyos sa galit si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon matapos siyang paratangan ni Senador Panfilo Lacson na may natatanggap na ‘tara’ o payola sa Bureau of Customs (BOC).

Ang inaakalang simpleng pagtanggi sa mga patutsada ni Lacson, nauwi sa pagbubunyag ni Faeldon sa umano’y katiwalian ng pamilya ng senador.

Ani Faeldon, nadiskubre nila na may anomalya sa mga transaksyon sa BOC ang anak ng senador na si Panfilo “Pampi” Lacson, Jr.

Ani Faeldon, hindi nagbabayad ng tamang taripa si Pampi Lacson na tinukoy din bilang pinakamalaking cement smuggler sa bansa.

Meron umanong dalawampung libong kapital ang batang Lacson pero nakakapag-import ng bilyun-bilyong halaga ng semento bagay na ipinagtataka ni Faeldon.

Inakusahan din ni Faeldon ang senador na sinungaling at iginiit na may ambisyon din umano ito na tumakbo sa pagka-presidente kung kaya’t ‘nagpapasikat sa media.

Kaugnay nito ay itinanggi naman ni Faeldon na tumanggap ito ng 100 milyun bilang pasalubong sa kanya sa pagpasok niya Customs.

Sa kabilang banda naman, ay agad na sinagot ni Senador Lacson ang expose ni Faeldon.

Ayon pa kay Lacson nakausap nya ang anak at pinabulaanan ang akusasyon ni Faeldon.

Kinuwestyon din ng senador kung bakit ngayon lang nito inilahad ang issue ng smuggling ng kanyang anak at kung bakit hindi na lamang ito agad na kinasuhan.

Gayunpaman sinabi rin Lacson na kung may katiwalian ang negosyo ng anak nito ay siya na mismo ang kakastigo rito bago si Faeldon.

Inaasahan naman sa susunod na linggo ay marami pa umanong ilalabas na papangalan si faeldon na opisyal ng gobyerno na may isyu ng katiwalian.

Sa huli ay hinimok naman ni Faeldon ang susunod na pamunuan sa Customs na imbestigahan ang transaksyon ng pamilya Lacson sa ahensya.