Ni: Ma. Leriecka Endico
“Friends are the family we choose for ourselves” sabi ni Edna Buchanan, isang manunulat na nanalo sa Pulitzer Prize for Journalism. Nabubuo ang pagkakaibigan dahil sa mga karaniwang interest, pagiging malapit, pagkakapareho at iba pa. Ngunit isang bagay ang pakikipagkaibigan at isa pang bagay ang pagpapanatili ng matibay na relasyon nito. Narito ang limang paraan upang mapanatili ang malusog at matibay na pagkakaibigan:
- Maging Matapat
Kailan ang huling beses na pinaalalahanan mo ang iyong kaibigan tungkol sa kanyang body odor? Madali lang magsabi ng totoo sa ating mga kaibigan kung ito ay positibo at nakagagaan sa loob nila. Subalit isang hamon ang magsabi ng katotohanan kung ito ay negatibo at sensitibo. Ito ang pangunahing paraan upang mapatibay ang pagkakaibigan, dahil dito mas nagiging malinaw ang pagkatao ng isa’t isa; walang tinatago o pagpapanggap.
- Pagtanggap sa kahinaan at kalakasan ng isa’t isa
Sa isang pagkakaibigan, maaaring ang kahinaan ng isa ay kalakasan ng isa at vice versa. Pagtanggap sa isa’t isa ang pangunahing hakbang upang mapatibay ang pagkakaibigan dahil dito matututunan kung paano babalansehin ang kahinaan at kalakasan ng bawat isa.
- Pagbibigay ng oras at pagpapahalaga
Malaking bahagi ang oras sa lahat ng uri ng relasyon, gayundin sa pagkakaibigan. Dito mas mapaparamdam ang kahalagahan at interest na makasama ang isa’t isa. Ang simpleng pagkain sa labas, shopping, paglalaro sa arcade ay ilan lang sa maraming bagay na maaaring gawin upang magbigay ng oras sa iyong kaibigan at ipadama ang kanyang kahalagahan.
- Maging ‘self-less’. Makinig.
Naranasan mo na bang makipagusap sa taong walang ibang kinukwento kung hindi ang sarili niya? Minsan sa tuwing nalulungkot o sobrang saya ng ating mga kaibigan, hindi bibig na magbibigay ng payo ang kailangan nila. Madalas, mas kailangan nila ng tainga na handang makinig nang walang pagiimbot sa mga kwentong nais nilang ibahagi sa atin. Napapatibay nito ang tiwala ng isa’t isa na anu’t ano man ang mangyari, handa tayong makinig sa kanila.
- Pagpapakumbaba
Hindi kailan man nakasira ng ano mang relasyon ang pagpapakumbaba. Matutong tanggapin ang pagkakamali at pagtatama ng isa’t isa. Sa tulong nito, mas matututunan niyong mahalin at pagsilbihan ang isa’t isa bilang magkaibigan.