Naglabas na ang DOJ ng Immigration Lookout Bulletin Order o ILBO laban sa mga personalidad na itinuturong nasa likod ng nasabat na 604 kilong shabu sa isang warehouse sa Valenzula City.
Sa apat na pahinang urgent memorandum ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na may petsang August 2, 2017, inalerto nito ang Bureau of Immigration at NBI sa posibleng pagtatangkang lumabas ng bansa ang negosyanteng si Richard Tan – alyas Richard Chen, Chen Yu Long at Ken Joo Lung.
Si Richard Tan ang itinuturong owner ng Hongfei Logistics sa Valenzuela City na ni-raid ng mga tauhan ng Bureau of Customs noong May 26, 2017 kung saan nadiskubre ang P6.4-Billion na halaga ng shabu.
Bukod kay Richard Tan, Kasama sa ILBO ng DOJ sina Kenneth Dong alyas Dong Yi Shen Xi, Fidel Dee- na sinasabing consignee at caretaker ng mga nasabat na droga.
Nasa Lookout Bulletin Order din ang mga Taiwanese na sina Jhu Ming-Jyun at Chen Min.
Gayundin ang Customs broker na si Mark Ruben Taguba at ang suspendidong opisyal na si Larribert Hilario.
Inatasan ng DOJ ang mga Immigration personnel na sinuman sa mga ito ang mamataan sa mga airport o seaport at magtatangkang lumabas ng bansa ay dapat na agad ipagbigay alam sa mga kinauukulan.