Maliban sa isyu ng smuggling na bumabalot ngayon sa Bureau of Customs (BOC), ipinabubusisi rin ng kamara ang legalidad ng pagkuha ng tanggapan ng BOC ng mga atletang maglalaro para sa kanila tuwing may mga sports cup.
Ayon sa report, aabot sa tatlumpung mga datihan at aktibong atleta ang nasa listahan ng Bureau of Customs na nagsisilbing technical assistants ng komisyon.
Napag-alaman na hanggang ngayon ay aktibo pa rin ang mga naturang atleta sa payroll ng BOC kahit walang laro.
Ayon kay House committee on ways and means chairman Dakila Cua, sisilipin nila ang regularidad ng mga nasabing atleta sa mga posisyong ipinagkaloob ng komisyon.
Samantala, idudulog naman ni House deputy speaker Raneu Abu sa Civil Service Commission ang paraan ng pagtanggap ng BOC sa mga atleta partikular na ang kwalipikasyon nito.
Paliwanag naman ni BOC commissioner Nicanor Faeldon, walang masama aniya sa pagkuha ng mga player o manlalaro ng kagawaran para maglaro sa kanilang koponan.
Giit pa nito, wala naman aniyang nagsabi sa kaniya na iligal ang paraan ng pag-hire sa mga atleta.
Samantala, ipanapa-summon ng House committee on ways and means ang mga atletang umano’y empleyado ng komisyon para pagpaliwanagin sa isyu.
Ilan sa mga kilalang atleta na naglalaro para sa koponan ng BOC ay sina dating basketball player Kenneth Duremdes at volley star player Alyssa Valdez.