PINAS

Mobile Application na maaaring maka-access sa mga paboritong kainan

Ni: Shane Elaiza Asidao

Patuloy na mas napapadali ang buhay ng bawat isa dahil sa mabilis na progreso ng teknolohiya.  Katulad ng pagtingin, paghahanap, at pagpili ng mga kakainang lugar, isang pindot na lamang ito mula sa ating mga daliri.

Sa kabila ng pagod na hinaharap sa araw-araw, karamihan sa atin ang naghahangad ng pahinga.  Gayundin ang kumain para manumbalik muli ang nawalang enerhiya dahil sa ginawa sa buong araw o di kaya ang kagustuhang lumabas para makipag-‘date’ sa pamilya, kaibigan o kasintahan upang sumaya at mabawasan ang ‘stress.’

Ngunit, paano ka makakapili ng establisyimento na plano mong kainan?  Gaano mo nasisiguro na hindi puno ang restawran na iyong kinasasabikan?

Ang Zomato, Food Panda at Booky ay ilan sa mga ‘Mobile Application’ na makakatulong sa’yo upang makapag-order, tignan ang lokasyon ng pinakamalapit na kainan o restawran, malaman ang kanilang ‘contact details’ o makita ang kanilang menu kasama ang halaga ng bawat pagkain gamit lamang ang iyong ‘android’ at ‘apple phones’.

 Zomato

Ang Zomato ay isang ‘restaurant search and discovery service’ na binuo nina Deepinder Goyal at Pankaj Chaddah taong 2008.

Naglalaman ito ng mga impormasyon at ‘reviews’ ng mga customers sa isang tanging kakainan.  Kasama rin sa App ang  ‘menu’ kung saan hinahayaan ang mga customers na makita ang mga produkto ng isang food company na walang sariling website.

Ayon kay Deepinder Goyal, isa sa may-ari ng kumpanya, mayroong ng Zomato App sa mahigit pitong bansa at 21 na syudad.  Kabilang na ang India, Qatar, Sri Lanka, United Arab Emirates, South Africa at sa Pilipinas.

Mayroon din itong humigit kumulang 12 milyong ‘users’ kada buwan mula sa iba’t ibang bansa at dalawang milyong ‘downloaded’ na mobile app.

Makikita sa app ang iyong ‘account’ na naglalaman ng ‘order history’, ‘favorite orders’ , ‘payments’, ‘address book’, ‘free meals’ at ang iyong ‘bookings’ na nangangahulugan ng iyong ‘reservations’ sa isang restawran.  Kasama na rin sa feature ng app ang iyong eksaktong lokasyon na magbibigay daan para mahanap ng app ang malapit na establisyimento sa iyong lugar. Maaari mo rin i-‘upload’ sa app ang mga litratong iyong nakuhaan mula sa restawran.

Gamit ang app, pinahihintulutan din ng Zomato na makapag-order online sa mga piling kainan ang mga ‘customers’.

Puwedeng i-download sa Playstore at Applestore ang Zomato.

 Booky o Phonebooky

Kahit walang ‘internet connection’, puwede ka ng makahanap at makapag-reserve ng upuan sa napili mong restawran.

Ang app na Booky ay binubuo ng halos 15,000 restawran ng Pilipinas at 9,000 menu mula sa mga ito.

Nakuha ni Ben Wintle, ang naglunsad ng app, ang ideya mula sa paulit-ulit na problema niya at ng kanyang kasintahang aktres na si Iza Calzado.

Aniya, “As we eat out a lot, we were always hitting our heads against a wall when we Googled a restaurant’s phone number on our smartphones as 3G connections are terrible and basic restaurant information is often hidden on some web pages,”

Dagdag ni Wintle, napagdesisyunan niya kasama ang kanyang grupo na gumawa ng isang app kung saan hindi mo na kakailanganin ang internet sa paghahanap ng makakainan.  Ito ay upang  mas mapadali ang paghahanap at agarang makapagpa-reserve dahil naglalaman ang App ng mga ‘contact details’ ng mga restawran.

Kung may internet access, maaaring gamitin ang ‘Waze Navigation’ o ang modernong mapa na nagtuturo ng mga dadaanan, lagay ng trapiko o shortcuts sa mga nagmamaneho ng sasakyan.  Dahilan para mas mapadali ang byahe patungo sa establisyimentong nais kainan.

Nagbibigay rin ng discount ang Booky gaya ng ‘Buy 1 take 1’ sa mga piling restawran sa unang pag-sign in mo sa App.  Libre lamang makukuha ang app sa ‘Google Play Store’ at ‘Apple Store’.

 Food Panda delivery service

Sa kabilang banda, mayroong mga apps na partikular sa ‘delivery’ ng mga pagkain na ino-order online.  Isang halimbawa rito ang ‘Food Panda’.

Naglalaman ang mismong app ng iba’t ibang restawran  at kanilang ‘contact details’ upang mapadali ang iyong pag-order kapag nasa bahay ka lamang.  Kasama rito ang Menu ng isang kainan at estimadong oras na maihahatid sa harap ng tahanan o napiling lugar ang pagkain.

Ang Food Panda ay may layon na ikonekta ang ‘user’ gamit ang ‘internet access’ sa lahat ng mga kainan na walang ‘website’ o ‘online delivery service’.  Makakatulong ito para mabawasan ang pagod at makatipid ng oras sa pagpunta o pagpila sa mga restawran.

Kabilang sa mga restawran na mayroon ang app: Frankie’s, isang Buffalo Chicken Restaurant, ilang Korean Restaurants, Vanilla Cupcake Bakery, Tim Howan, Project Pie, Pepper Lunch, Sushi Nori, Rico Rico Paelleria, isang Seafood Restaurant at marami pang iba.

Ayon sa pamunuan ng delivery service, nagbibigay sila ng mas maayos na serbisyo para sa mga customers kung saan kinokonekta nila ang bawat isa sa lahat ng masasarap at kilalang kainan sa bansa.  Gamit lamang ang ilang mga hakbang, ‘search’ o paghahanap ng restawran, ‘choose’ o pagpili ng pagkain mula sa nakalagay na menu, ‘pay’ o pagbabayad gamit ang ‘credit card’ o ‘cash’ sa mismong delivery ng pagkain.

Katulad ng Zomato at Booky, libre lamang ang app na maaaring i-download sa Google Play Store at Apple Store.

Mas madali na ngayon ang paghahanap ng makakainan na masisiguro ang iyong ‘reservation’ at hindi ka na magtatagal pa sa pagpili ng iyong kakainin.  Naiipon ang oras na maaaring gamitin sa ‘bonding time’ sa pagitan mo at ng iyong kasama.  Pati na rin ang pagkabawas ng pagod sa pagpunta sa lugar kung nasaan makikita ang iyong paboritong restawran.

Ngunit, masarap man at nakakawala ng ‘stress’ ang pagkain ng mga paboritong putahe, tandaan lamang na ang pagkain ng sobra ay nagdudulot ng iba’t ibang kalse ng sakit.  Hinay hinay lamang at palaging isaalang-alang ang kalusugan sa lahat ng oras.