WALANG mapagsidlan ng kaligayahan ang nararamdaman ng mga dating drug dependents sa Brgy. Matandang Balara, Quezon City.
Sa pagkakataong ibinigay sa kanila ng pamahalaan na magbagong buhay sa pangunguna ng kanilang Punong Barangay na si Brgy. Capt. Allan P. Franza.
Matatandaang nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte bilang Pangulo ng Pilipinas, naging maigting ang pangangampanya ng gobyerno kontra droga.
Kaya hindi nagpahuli si Franza para gawin ito sa kanyang barangay.
Binigyan niya ng pagkakataon na kusang sumuko ang mga dating drug dependent.
Nang sumuko na ang mga ito sumailalim sila sa rehabilitation sa pangunguna ng Therapeutic Community Program ng kanilang barangay na kung saan tinutulungan ang mga ito kung paano tuluyang maiwan ang kanilang mga bisyo.
Ayon kay Catherine M. Mati, Director ng Therapeutic Community at Lupon President ng barangay ay hindi madali ang unang mga buwan ng pagtuturo nila sa mga drug dependent pero hindi sila sumuko na tulungan ang mga ito.
“Natutuwa kami dahil ngayon nakikita na namin ang bunga sa lahat ng aming ginawa. Ang approach namin sa kanila ay itinuring namin silang pamilya, niyakap namin sila bilang miyembro ng pamilya, miyembro ng barangay. Hindi kami nawawalan ng programa sa kanila upang mararamdaman nila na sama-sama kami,” pahayag ni Mati.
Ayon kay Franza, isa sa dahilan kung bakit nasadlak sa droga ang mga drug dependent ay dahil walang hanapbuhay.
Ang mga ito at para umano ganap na masimulan ang pagbabago nagbigay siya ng pangkabuhayan showcase.
Lahat ng first batch graduate ng drug surrenderees ng kanyang barangay ay nakatanggap ng ambulant cart na may kasamang puhunan.
Ang hiling lang niya ay huwag nang bumalik ang mga ito sa pinanggalingang bisyo upang hindi tuluyang makulong.
“Ang turing naman namin sa kanila ay hindi kriminal kundi biktima ng droga kaya hindi titigil ang barangay upang magabayan nang maayos ang mga ito,” pahayag ni Franza.
“Nanawagan ako para sa mga hindi pa sumuko na sumuko na sila upang mabigyan ng pagkakataong makapagbagong buhay at mabuo ulit ang kanilang pamilya na nawasak din dahil sa bawal na gamot,” wika ng punong barangay.
“Walang katapusang pasasalamat ang tangi ko lang masasabi sa ginawa ni Kapitan sa amin, napakalaking tulong ang ibinigay niya, ngayon meron na kaming mapagkukuhanan ng hanapbuhay,” pahayag naman ni Rolly Comawas, isa sa mga drug surrenderees.
Ayon naman kay Collin Tang, “Napakasaya ko dahil sa binigay ni Kapitan lalo na akong naging busy at mawawalan na ng oras para sa pagbibisyo.”
Aniya, kaya niya tuluyang iniwan ang droga upang maibalik niya ang respeto sa kanyang sarili na nawala niya. Binigyang-diin niya na dapat ang pagbabago ay magsimula sa puso upang mananatili ito.
Ani Franza, simula pa lang ito sa pagbabago ng buhay ng mga drug surrendrees. Naniniwala siyang sapat ang mga programang ibinigay ng pamahalaan para sa mga drug dependent upang tumigil ang mga ito sa kanilang bisyo at bumalik na sa tamang landas.
30 pirasong ambulant cart ang ibinigay ni Franza para sa unang batch ng mga dating drug dependent sa kanyang barangay ngunit ngayon ay malaya na ang mga ito sa droga. #