Isang bilyon piso umano ang itatabi ng pamahalaan na pondo para sa puhunan ng mga tech startups kung maisasabatas ang panukala ni Sen. Bam Aquino na tinatawag na “Innovative Startup Act.”
Sa kanyang sponsorship speech sa Senado sa pasimula ng buwang ito, sinabi ni Aquino na mahalagang hikayatin at pasiglahin ng pamahalaan ang mga ‘innovator’ at mga nagsisimulang mga ‘entrepreneur’ na magtayo ng mga kumpanyang may mga ‘technological product’ na maaaring makatutulong sa pagpapaunlad sa ekonomiya at sa lipunan.
“(Let’s) enact this bill and encourage these enterprises that not only spur economic growth but also provide unique and relevant solutions to our problems from daily hassles, like finding a taxi during rush hour, to improving the delivery of healthcare, providing support for our farmers, and addressing unemployment,” anang senador.
Bukod sa puhunan na maaaring mapakinabangan, layon din ng panukala na ilibre ang startup sa pagbayad ng buwis sa unang 2 taon ng operasyon nito, kasabay ang iba pang mga benepisyo.
MALUSOG NA STARTUP ECOSYSTEM
Mahalagang bahagi ng isang maunlad na ekonomiya ang malusog na ‘startup ecosystem’ o ang kapaligiran kung saan maaaring umusbong at lumago ang isang nagsisimulang negosyo.
Kabilang na dito ang mga batas katulad ng nabanggit na tumutulong para mabuhay ang isang bagong business.
Ayon sa Bloomberg, 8 sa 10 mga startup business ang bumabagsak sa unang dalawang taong operasyon nito, kaya mahalaga ang 2 o 3 taong ayuda mula sa pamahalaan.
Kasama din ang mga imprastraktura, mga pasilidad na maaaring gamitin at maging mga technical assistance, mga training program at ‘much improved’ internet connection.
BLK 71 NG SINGAPORE
Sa bansang Singapore, na tinaguriang isa sa may pinaka-progresibong start-up ecosystem at entrepreneurship support sa buong mundo, may tatlong malalaking gusali sa Ayer Rajah district nito na kilala bilang Block 71 at ang bagong tayong 2 gusali ng JTC LaunchPad na itinabi para lang sa startup community.
Sa mga gusaling ito, maaaring makapag-upa ng mababa ang isang nagsisimulang negosyo at maaaring makagamit pa sa libreng wifi, mga meeting room at event venue, at kung saan maaari silang magtulungan upang lumago; isa umanong “safe space” kung saan maaari mabuhay at lumaki ang mga startup.
“It’s a place where people can express themselves and be creative within the safe haven of the law, and this is how billion-dollar companies are made,” sinabi pa ng isang startup CEO na taga-roon.
Sinasabing maraming mga matatagumpay na mga negosyo ang nag-umpisa sa Block 71 na nagsimula noong taong 2011, at ngayon may operasyon hindi lamang sa Singapore kundi sa iba pang bahagi ng mundo.
Noong taong 2015, naglunsad din ang pamahalaan ng Pilipinas ng sariling bersyon ng Block 71 na tinawag nilang QBO Innovation Hub, na itinayo ng Department of Trade and Industry, Department of Science and Technology sa pakikipagtulungan ng grupong IdeaSpace, isa sa mga pangunahing ‘early stage technology incubator and accelerator companies’ sa Pilipinas.
Bagama’t nasa plano pa lang ang gusali, ayon kay Director Senen Peralda ng DTI, layon ng QBO Innovation Hub na “bigyan ng pagkakataon ang mga innovator, explorer, investor, mga funder, start-up mentors, enablers at ang mga academic institution na magkaroon ng ugnayan sa isa’t isa at buksan ang mas maraming mga merkado para sa kanila.
“We hope to open more opportunities for market access and capital, and mentorship for our startups, especially the growing number of young entrepreneurs,” wika pa ni Peralda.
HIGIT PA SA GUSALI
Ngunit ayon kay Eric Manlunas, co-founder at managing partner ng Wavemark Partners at Wavemark Labs, isang venture capital firm at technology innovator na naka-base sa California at Singapore, sa isang panayam sa TechinAsia.com na higit pa sa mga gusali and kailangan ng Pilipinas upang magkaroon ng malagong startup ecosystem.
Unang-una, kailangan aniya pabilisin ang proseso ng pagtatayo ng negosyo.
Sa Singapore umano, maaaring marehistro ang isang negosyo sa loob lamang ng tatlong oras.
Pangalawa, mabilis umano na Internet connection.
May bilis na 118.8 Mbps ang Internet sa Singapore, samantalang sa Pilipinas gumagapang ito sa 3.6 Mbps, isang malaking balakid lalong lalo na sa mga tech start-up.
Pangatlo, kailangan may magandang mga tax incentive para sa mga investor.
Ayon pa kay Manlunas, marami umanong paraan upang hikayatin mamuhunan ang mga kapitalista mula sa loob at labas ng bansa, sa pamamagitan halimbawa ng mas mahabang tax holiday at masbabang buwis kumpara sa 30% sa kasalukuyang batas ng bansa.
Ayon pa din kay Manlunas maaari ding payagan ng Pilipinas na i-offset ng mga investor ang kanilang ipinuhunan, “This would spur high net-worth individuals to invest since they’ll be able to deduct these investments against current taxable income.”
Sa Singapore, mayroon pa ngang programa ang pamahalaan kung saan tatapatan ng pamahalaan ang porsiyento na ipupuhunan ng isang investor sa isang startup, kung kaya’t mahihikayat itong makipagsapalaran. At pagkatapos ng 3 taon kung naging matagumpay ang start-up ay maaari ring bilhin ng kapitalista ang bahagi ng pamahalaan sa kumpanya.
PARA SA MGA SMALL AT MICRO-ENTERPRISE
Ngunit, hindi lang ang mga ‘big-time’ o kaya mga sopistikadong tech startup ang kailangan bigyan ng ayuda ng bansa dahil maituturing din na “backbone” ng isang ekonomiya ang mga small at micro-business nito.
Sa panukalang Comprehensive Tax Reform Package na kasalukuyang pinag-uusapan ngayon sa Senado, magiging P5-milyon ang “ceiling” sa kita ng mga negosyong hindi na kailangan magbayad ng Value Added Tax, kumpara sa P2-milyon sa ilalim ng umiiral na tax law.
Matatandaan din na noong taong 2002 sa ilalim ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, nilagdaan ang Barangay Micro Business Enterprises Act kung saan hindi na din magbabayad ng income tax ang mga negosyong may capital na P3-milyon o mas mababa pa rito.