Ni: Hannah Jane Sancho
Hindi pinahihintulutan sa umiiral nating batas na magkaroon ng anumang partisipasyon ang tropa ng Estados Unidos sa military operations ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, nakasaad sa Mutual Defense Board Security Engagement Board sa ilalim ng Mutual Defense Treaty na nilagdaan noong 1951 na hindi dapat magkaroon ng papel ang pwersa ng Amerika sa anumang military operations sa bansa sa mga kalaban ng estado.
Ipinunto ng Malakanyang na ito ang protocol na dapat masunod.
Binigyang diin ni Abella na bagama’t nananatiling solid ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ay mananatiling limitado ang ayuda na pwede nitong ibigay sa armed forces tulad ng technical assistance at sharing of information.
Hindi din napag-usapan ang posibilidad na magsagawa ng airstrike ang Amerika sa Marawi nang bisitahin ng Pangulong Duterte ang Joint Special Operations Task Force trident sa Marawi noong nakaraang linggo.
Magugunitang napaulat na pinaplano ng Estados Unidos na magsagawa na ng air strike sa ISIS group sa Marawi.