Maraming doktor ang nagrerekomenda ng pag-inom ng kahit isang baso ng wine o beer sa gabi bilang bahagi ng diet plans kagaya ng mediterranean diet at dash diet na nagpapalakas umano sa iyong puso at nakakaganda sa kalusugan.
Ngunit sa bagong pag-aaral, natuklasan na ang mga taong nag-iinom madalas ay may pinakamalaking panganib ng pagkakaroon ng hippocampal atrophy o isang porma ng damage sa utak ng tao na nag-uugnay sa kawalan ng memorya kagaya ng Alzheimer’s disease at dementia.
Lumabas din sa pag-aaral na ito, na binabago ng pag-iinom ang takbo ng utak ng tao at ito ay sa hindi magandang paraan.
Maging ang mga paminsan-minsan lamang na nag-iinom ay nababago rin ang takbo ng utak kumpara sa mga taong hindi naman talaga nag-iinom.
Ayon kay Dr. Anya Topiwala, isang clinical lecturer sa Department of Psychiatry sa Oxford, hindi niya inaasahan na malala rin ang epekto sa utak ng mga hindi kadalasang nag-iinom.
Aniya, tatlong beses na mas malala umano ang panganib na dala ng paminsan-minsang nag-iinom kumpara sa mga taong hindi talaga umiinom.
Ayon naman kay Tom Dening, isang propesor sa dementia research at director ng Center for Old Age and Dementia sa unibersidad ng Nottingham, na ang pag-aaral na ito ay isang mahalagang paalala na dapat ay limitahan na talaga ng tao ang pag-iinom at kung maaari ay huwag na uminom ng alak.